Pag-snatch sa gamit ng isang estudyante sa QC nakunan ng CCTV

Snatching in Quezon City

Snatching incident caught on CCTV last September 22 in Brgy. Laging Handa, Quezon City Video snapshot from: When In Manila

Nakunan ng CCTV ang sapilitang pag-agaw ng isang suspek sa gamit ng biktima nitong estudyante sa Brgy. Laging Handa, Quezon City nito lamang nakaraang Lunes (September 22).

Makikita sa kuha ng camera na nilagpasan muna ng dalawang suspek ang mga biktima na nag-uusap sa tabi ng kalye malapit lamang sa kanto ng Sct. Tobias.

Mapapansin na tila kasama ng suspek ang isang lalaking nakamotorsiklo subalit hindi muna ito umangkas sa kasama.

Ilang sandali ring minanmanan ng suspek ang mga biktima bago inikutan saka mabilis na nilapitan.

Sa video ay sapilitang inagaw at isinalya ng suspek ang walang labang biktima habang napalayo naman ng bahagya dahil sa takot ang tatlong iba pang estudyante na kausap nito.

Matapos makuha ang tila cellphone na hawak ng biktima ay agad itong sumakay sa kasama nitong nakamotorsiklo saka mabilis na tumakas sa pinangyarihan ng krimen.

Sa tala ng Philippine National Police ay lalo pang tumaas ang bilang ng krimen sa bansa ngayong taon kumpara noong 2013.

Sa ulat ng PNP noong June 27, mula Enero hangggang Mayo ng kasalukuyang taon ay nakapagtala na sila ng aabot sa 289,198 kaso ng krimen.

Sa naturang bilang aabot sa 59,448 ang naganap sa Metro Manila kung saan 15, 659 kaso sa mga ito ay naganap sa mga lugar na sakop ng Quezon City Police District.

Ilang araw bago maganap ang insidente ng snatching sa Sct. Tobias ay iniutos naman ni Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas sa mga alkalde sa buong Metro Manila ang pagpapalakas ng seguridad sa kanilang mga nasasakupan.

Sa pinakahuling ulat naman mula sa PNP, napansin na nila ang pababa sa bilang ng mga nagaganap na krimen simula ng kanilang ilunsad ang Oplan Lambat sa Metro Manila.

Sa kabila nito ay tila iba ang ipinakikita ng datos na mula mismo sa PNP dahil mula noong September 8-14 lamang ay umabot na sa 635 kaso ng robbery at theft ang naitala sa Metro Manila.-DCR

Advertisements