Isa na namang estudyante ng UPLB ginahasa

University of the Philippines at Los Banos

Image from Wikipedia

 

Isa na namang estudyante ng University of the Philippines Los Baños sa Laguna ang ginahasa.

Ang biktima ay isang 17-anyos na babae.

Base sa ulat ni Ronilo Dagos sa DZMM Teleradyo ngayong hapon, pauwi na ang biktima kagabi (October 15) ng sumakay ito ng tricycle patungo sa kanilang tahanan.

Sa  kabila nito ay idinala umano si Irene ng hindi pa nakikilalang tricycle driver sa madilim na bahagi ng IPB Road sa Brgy. Putho Tuntungin at dito na ginawa ang panghahalay.

Matapos ang krimen ay iniwan na lamang ng suspek ang biktima.

Nakita umano ng UPLB security guard ang biktima na naglalakad kaya ito natulungan.

Sa ulat naman ng Inquirer.net, kinumpirma na umano ni UPLB Vice Chancellor for Community Affairs Dr. Enrique Tolentino Jr. ang naganap na insidente ng panggagahasa sa biktima.

Ayon sa opisyal, naiulat na sa pulisya ang naganap na krimen subalit hiniling na muna ng pamilya sa pulisya na huwag magbigay ng detalye sa media lalo pa at traumatized pa rin ang biktima.

Sinabi ni Tolentino na batay sa unang pagsisiyasat, umalis si Irene sa UPLB campus bandang 9:00  kagabi.

Sumakay umano ng tricycle si Irene sa Brgy. Maahas na malapit lamang sa pamantasan pauwi sa bahay nito sa Brgy. Paciano Rizal (Brgy. Mainit).

Nagawa pa umano ng biktima na magkapag-text sa kanyang ina na siya ay nasa bahagi na ng Sitio Buot sa Brgy. Mainit.

Sa kabila nito, bago pa man makadating sa kanilang tahanan ay tumigil na ang tricycle sa katwiran na naubusan ito ng gasolina ayon sa tsuper.

Dito na idinala ng suspek sa madilim ng bahagi ng daan ang biktima gamit ang hindi pa malamang uri ng sandata bago tuluyang pinagsamantalahan.

Kung matatandaan, Oktubre ng 2011 din ng ginahasa sa naturang lugar ang 19-anyos na si Given Grace Cebanico bago brutal na pinatay ng tsuper ng tricycle na sinakyan nito pauwi.

Si Cebanico ay nasa ikalawang taon ng kursong Computer Science sa UPLB ng ito ay pinaslang at pinagsamantalahan.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon at paghahanap ng Los Baños PNP para sa agad na ikadarakip ng suspek sa panibagong kaso na ito ng panghahalay malapit sa kampus.-DCR

 

 

Advertisements