Kilos protesta at tigil pasada ng PISTON kasado na sa Oktubre 27

Kasado na sa Lunes Oktubre 27 ang isang malawakang kilos protesta at tigil pasada na pangungunahan ng  Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON).

Layon ng malawakang protesta ang ipanawagan sa gobyerno partikular na sa Department of Transportation and Communication, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office ang tuluyang pagbasura sa pagpapatupad ng Joint Administrative Order (JAO) # 2014-01.

Tinawag ni PISTON national president George San Mateo na isang money-making scheme ang naturang polisiya ng DoTC. Ayon pa sa grupo, dahil sa nasabing kautusan ay tila ginawang kriminal ng gobyerno ang mga tsuper ng pampublikong mga sasakyan.

“Nararapat lamang na suspendihin at ibasura ang implementasyon ng buong JAO. Ito ay money-making scheme ng gobyernong Aquino bilang dagdag-pataba sa pork barrel ni Pangulong Aquino. Gayundin walang matinong konsultasyong isinagawa ang LTFRB-LTO-DOTC sa pagbubuo ng JAO. Buo na ang JAO nung nagpatawag ng pagpupulong ang LTFRB-LTO-DOTC at sa kabila ng malawak na pagtutuol ng mga drayber, operator at pribadong motorist ay sapilitan itong pinatupad ng LTFRB-LTO-DOTC noong Hunyo 19, 2014,” pahayag pa ni San Mateo.

Sinimulang ipatupad ng gobyerno ang JAO No. 2014-01 noong Hunyo sa layong mabawasan at tuluyang maalis sa lansangan ang mga kolorum at out of line na mga sasakyan.

Kabilang sa mga parusang itinakda ng nasabing kautusan ang multang aabot sa P1M at pagkansela ng prangkisa para sa mga mahuhuling kolorum at out of line na mga sasakyan partikular na ang mga bus.

Sa ilalim ng panukala ang mga mahuhuli sa unang beses na paglabag ay magmumulta ng hindi tataas sa P200,000 at hindi naman bababa sa P6,000. Ang naturang multa ay para sa mga sasakyan mula sa mga truck hanggang sa mga motorsiklo.

Kabilang sa mga lugar na makikiisa sa kilos protesta ayon sa PISTON ay ang  Metro Manila, Laguna, Albay, Iloilo, Bacolod, Cebu, Northern Mindanao, Surigao Del Norte, General Santos at Davao City.

Magkakaroon din umano ng tigil pasada ayon sa grupo sa mga bahagi ng Cagayan de Oro, Iligan, Bukidnon, Misamis Oriental at Surigao del Norte.

Ang kalahok sa protesta ay magiipon-ipon sa Elliptical Road sa Quezon City bago tumulak sa tanggapan ng LTO at LTFRB sa East Avenue para sa isang programa.

Kasunod nito ay nanawagan din ang PISTON sa Korte Suprema na dinggin na ang nakabimbin nilang petisyon para sa hiling nilang pagpapatigil sa implementasyon ng JAO No. 2014-01.-DCR

 

 

 

 

Advertisements