Pilipinas Ebola free pa rin: Pinoy peacekeeper na nagmula sa Liberia nilagnat

DOH

Sasailalim sa mga pagsusuri ang isang Pinoy United Nations peacekeeper na umuwi sa bansa galing Liberia matapos itong lagnatin habang sumasailalim sa 21 araw na quarantine procedure sa Caballo Island.

Kinumpirma ni Deparment of Health OIC secretary Janette Garin sa isang press conference ngayon na nilagnat ang isa sa mga  Pinoy United Nations peacekeeper na umuwi galing Liberia.  

Sa kabila nito sinabi ni Garin na hindi pa nagpapakita ng sintomas ng Ebola ang sundalo.

Sinabi rin ng opisyal na nananatiling Ebola free ang bansa hanggang sa ngayon.

Nabatid na kagabi pa nakaramdam ng lagnat ang sundalo kung kaya inilagay na ito sa isolation at kaninang umaga ay inilipad na ito sa pamamagitan ng isang chopper patungo sa hindi pinangalanang pagamutan.

Ang nasabing sundalo ay kabilang sa 133 Pinoy peacekeepers na umuwi sa bansa noong Miyerkules (Nobyembre 12).

Mula Villamor Airbase sa Pasay City ay agad na idinala sa isang isla ang mga sundalo para magpalipas ng 21 araw upang masiguro na sila ay walang sakit na Ebola. -DCR

Advertisements