Hungry for Glory: Mga venue para sa libreng screening ng Paquiao vs Algieri fight handa na

PACQUIAO-ALGIERI

Image from: voxbikol.com

 

 

Handang handa na ang mga lugar na libreng magpapalabas ng Hungry for Glory salpukang Manny Pacquiao – Chris Algieri live mula sa Cotai Arena, Venetian Resort, Macau.

Sa lungsod ng Maynila bandang 8:00 pa lamang ng umaga ay magsisimula na ang live streaming ng laban ni Pacquiao at mga undercard bout nito.

Libreng mapapanood ang Pacquiao-Algieri fight sa Rasac Covered Court, Patricia Covered Court, Sarmiento Covered Court, San Andres Sports, Dapitan Sports Complex, Del Pan Sports Complex at Tondo Sports Complex.

Sa Marikina City ay ipapalabas naman ng lokal na pamahalaan ang laban sa Parang Basketball Gymnasium, Marikina Freedom Park at Marikina Heights Gymnasium.

Sa Taguig ay libre ding mapapanood ang Pacquiao-Algieri bout. Maaaring tumungo ang mga taga Taguig sa Cayetano Sports Complex, Tipas Elementary School, Taguig City University Auditorium, Enlisted Men’s Signal Village Elementary School at Bagong Lipunan Condominium Covered Court sa Western Bicutan.

Sa Balanga, Bataan ay bubuksan ang pinakamalaking sports complex para mapanood ng mga tao ang laban.

Bukod sa mga lokal na pamahalaan ay suportado rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Pacquiao kung saan isa itong reservist.

Ipapalabas ng AFP ang labang Pacquiao-Algieri sa AFP Grandstand at AFP Wellness Center. Bukod dito mapapanood din ng mga naka-confine na sundalo sa AFP Medical Center sa V. Luna ang laban ng live.

Sa Army headquarters naman sa Fort Bonifacio ay ipapalabas ang laban sa Army Gymnasium, Officers’ Clubhouse, at Army General Hospital Multipurpose Hall.

Bubuksan naman ng Philippine Air Force ang PAF Gym sa Villamor Air Base sa Pasay City para makapanood ng libre ang mga sundalo at kanilang mga pamilya sa laban. Bukod dito ay ipapalabas din ng PAF ang laban sa Multi-purpose Hall  Antonio Bautista Air Base-Palawan, Officers Club Clark Air Base, Base Theater Mactan Air Base, Officers Club  Sangley Point-Cavite, Officers Club and Enlisted Personnel Club Fernando Air Base at Multi-purpose hall Edwin Andrews Air Base.

Ang Philippine Navy ay ipapalabas rin ang laban sa kanilang mga kampo sa Social Hall  Bonifacio Naval Station, Conference Room Naval Base Cavite, Fleet Marine Ready Force Wardroom Sangley Point, NETC Blain Theater in Zambales, at Multipurpose Hall Naval Sea Systems Command sa Cavite.

Inaasahan na ipapalabas din ang laban sa lahat ng kampo at base ng AFP sa buong kapuluan.

Kasabay nito ay una ng nagpaabot ng kanilang suporta ang Malacañamg kay Pacquiao para sa laban nitong araw.

“Nawa’y pagpalain siya ng Panginoon na magkaroon ng sapat na lakas at gilas upang maipagwagi ang laban niya at magdulot ng ibayong karangalan sa bansang Pilipinas!” pahayag ni PCOO Sec. Sonny Coloma.

Ayon sa Palasyo hangad nila ang muling pagtatagumpay ng pambansang kamao sa kanyang pinakahuling laban.

“Medyo maganda ang laban, kasi may reach and height advantage po ang kanyang kalaban. Maganda rin po ang record niya dahil undefeated at medyo bata-bata po ito. But we are confident that the Pacman will again bear the flag proudly this time,” pahayag naman ni deputy spokesperson Abigail Valte.

Inaasahan naman ng Philippine National Police ang mababang crime rate dahil sa laban ni Pacquiao subalit siniguro nilang hindi sila magpapakakampante at patuloy pa ring nakabantay habang nakatutok naman ang sambayanan sa laban ng pambasang kamao.-DCR

 

 

 

 

Advertisements