5 day holiday ipatutupad sa Maynila para sa pagbisita ng Santo Papa

Pope Francis

Image from: pwhs.ph

Walang pasok sa Maynila sa mga araw ng pagbisita ng Santo Papa sa susunod na taon.

Ito ang nakapaloob sa Executive Order 75 ni Manila mayor Joseph Estrada na nagdedeklara ng five day holiday mula Enero 15-19 ng susunod na taon para sa pagbisita ni Pope Francis.

Kabilang sa mga sakop ng kautusan ang lahat ng paaralan, kolehiyo at pamantasan sa Maynila pampubliko man o pribado at maging ang mga opisinang nasasakupan ng lokal na pamahalaan.

Base sa kautusan, sariling kapasyahan na ng mga pribadong kumpanya sa lungsod kung magsususpindi rin sila ng operasyon.

Milyun-milyong tao ang inaasahang dadagsa sa Maynila dahil kabilang ito sa mga sentro ng pagbisita ng Santo Papa.

Inaasahan na dudumugin ng tao ang misa na idaraos ni Pope Francis sa Quirino Grandstand sa Enero 18 maging ang gagawin nitong pagkikipagkita sa mga kabataan sa University of Santo Tomas.-DCR

Advertisements