Pondo para sa mga biktima ng Ondoy at Pepeng: P900M halaga ng Malampaya Fund napunta sa 12 NGO

Napoles

Alleged pork barrel scam queen Janet Lim Napoles

 

Aabot sa P900 milyong halaga ng Malampaya fund ang napunta sa 12 bogus na non-government organization (NGO).

Ito ang lumabas sa pagsisiyasat ng Commission on Audit (COA) ayon kay COA chairperson Grace Pulido-Tan sa pagharap nito ngayong araw sa pagdinig sa Senado.

Nabatid na ang mga isinasangkot na NGO sa anomalyang ito ay tila konektado rin ay Janet Lim Napoles na itinuturong utak ng pork barrel scam.

Ayon kay Tan, ang naturang halaga ay ini-release ng Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Agrarian Reform (DAR) bilang pantulong sana sa mga magsasakang naapektuhan ng mga bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009.

Sinabi pa ng opisyal na aabot sa 97 na mga lokal na pamahalaan ang sinasabing tatanggap sana ng naturang pondo na idadaan sa 12 NGO.

Kabilang sa mga sangkot na NGO sa panibagong anomalya na ito ay ang Karangyaan para sa Magbubukid Foundation, Gintong Pangkabuhayan Foundation Inc., Kaupdanan Para sa Mangunguma Foundation Inc., Kasaganahan para sa Magsasaka Foundation Inc., Dalangpan Sang Amon Utod Kag Kasimanwa Foundation Inc., Masaganang Buhay Foundation Inc., Micro Agri Business Citizens Initiative Foundation Inc., Saganang Buhay sa Atin Foundation Inc., Tanglaw Para sa Magsasaka Foundation Inc., Abundant Harvest for Peoples Foundation Inc., Bukirin Tanglaw Foundation Inc., at Ginintuang Alay sa Magsasaka Foundation Inc.

Nabatid ng COA sa pagsisiyasat na ang iba sa mga nabanggit na NGO ay wala sa address na nakalagay sa kanilang mga papeles habang ang iba sa mga ito ay walang permit para sa operasyon.

Ayon kay Tan, hinati hati ng 12 NGO ang proyekto para sa 97 LGUs at siniguradong hindi lalagpas ang bawat proyekto ng P10 milyon upang hindi na kailanganin pa ang pirma ng kalihim ng DAR.

Sinabi pa ni Tan na 67 alkalde mula sa kabuuang 97 na mga lokal na pamahalaan ang sinabing wala silang alam sa naturang mga proyekto habang apat na alkalde naman ang nagpapatunay na pirma nila ang nasa ilang dokumento samantalang 26 ang hindi sumagot sa tanong ng DAR tungkol sa mga proyektong inilaan sa kanilang mga nasasakupang lugar.-DCR

Advertisements