13 Pilipino kasama sa mga nawawala matapos ang paglubog ng SoKor vessel sa Bering Sea

 

Hindi pa rin nahahanap ang karamihan sa mga kawani ng lumubog na South Korean fishing vessel sa Bering Sea kabilang na ang sakay nitong 13 Pilipino.

Hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang paghahanap sa humigit kumulang 50 katao na sakay ng Oryong 501 na lumubog kahapon.

Una ng nasagip ang pitong crew ng barko habang isang bangkay naman ang nakuha na.

Hindi naman mabatid hanggang sa kasalukuyan kung may Pilipinong kabilang sa pitong nasagip.

Ayon sa Sajo Industries na siyang may-ari ng barko, umalis sa pantalan sa Busan ang Oryong 501 noong July 10. Nabatid din sa isang hindi nagpakilalang opisyal ng kumpanya na may walong lifeboat ang barko at nabatid na nagamit ng mga nakaligtas ang isa sa mga bangkang ito.

Bukod sa mga Pinoy ay nasa 35 Indonesian, 11 South Korean at isang Ruso ang sakay ng lumubog na sasakyang pangisda.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang mga embahada ng bansa sa Moscow at Seoul para makakuha ng detalye hinggil sa mga nadamay na tripulanteng Pinoy.-DCR

 

Advertisements