Bagyong Ruby (Hagupit) pumasok na sa PAR

Ruby 1

Latest location of typhoon Ruby (Hagupit) from PAGASA Source: PAGASA Facebook

 

Nakapasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Ruby (Hagupit) kaninang 3:00 ng madaling araw.

Sa pinakahuling forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang 4:00 ng umaga, namataan ang mata ng bagyo 942 kilometro silangan, hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Taglay ni Ruby ang lakas ng hangin na aabot sa 175 kilometro bawat oras at pagbugso na aabot sa 210 kilometro kada oras.

Inaasahan na kikilos ang bagyo patungong kanluran, hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.

Sa forecast ng PAGASA, makakaranas ang Bicol Region, Eastern Visayas, CARAGA at Davao Region ng ng maulap na papawirin na may mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Ang Cagayan Valley at mga lalawigan ng Aurora and Quezon ay makakaranas ng maulap na papawirin na may mahinang pag-ulan.

Ang bahagi naman ng Ilocos at Cordillera ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kasamang mahinang pag-ulan habang ang Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagya hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang pulo-pulong pag-ulan at pagkulog at pagkidlat.

Sa panayam ng dzMM kay PAGASA weather forecaster Samuel Duran sinabi nito na sa ngayon ay tinutumbok pa rin ng bagyo ang Eastern Visayas.

Ayon sa kanya, maaaring itaas ang signal number 3  sakaling tumama na ang bagyo sa lupa.

Maaari rin umanong mag-generate ng tatlo hanggang apat na metrong storm surge ang bagyong Ruby.

Sa ngayon ay nakakaranas na rin umano ng mga pag-ulan sa Bicol, Eastern Visayas at Surigao dulot naman ng hanging Amihan.-DCR

Advertisements