Bagyong Ruby napanatili ang lakas: Storm signals itinaas na sa mahigit 30 lalawigan

15

Source: PAGASA

 

 

Napanatili ng bagyong Ruby (Hagupit) ang lakas nito habang patuloy na tinutumbok ang Kabisayaan.

Sa pinakahuling weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kaninang 10:00 ng umaga huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 435 kilometro silangan ng Borongan, Eastern Samar.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na aabot sa 215 kilometro bawat oras at may pagbugsong aabot sa 250 kilometro bawat oras.

Mabagal na kumikilos ang bagyo sa bilis na 13 kilometro bawat oras patungong kanluran, hilagang-kanluran na direksyon.

Bukas ng umaga, inaasahan na ang bagyong Ruby ay nasa layong 120 kilometro silangan, hilagang-silangan ng Borongan.

Sa Linggo ng umaga inaasahan naman na ang lokasyon ng bagyo ay nasa layong 50 kilometro kanluran ng Catarman, Northern Samar o 60 kilometro silangan ng Masbate City.

Nakataas ang public storm warning signal number 2 sa mga lalawigan ng Sorsogon, Ticao Island, Masbate, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Northern Cebu kasama ang Cebu City, Bantayan Island at Camotes Island.

Nasa ilalim naman ng public storm warning signal number 1 ang mga probinsya ng Catanduanes, Albay,Camarines Norte, Camarines Sur, Burias Island, Romblon, Capiz, Iloilo, Antique, Aklan, Negros Oriental, Negros Occidental, Rest of Cebu, Siquijor, Bohol, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Dinagat Island, Siargao Island, Misamis Oriental, Agusan del Sur at Camiguin Island.

Inaasahan na bukas ng gabi (Sabado) tatama sa pagitan ng Eastern Samar at Northern Samar ang bagyong Ruby.

Binabalaan ang mga nasa baybaying dagat kung saan magla-landfall ang bagyo na maaari itong maging sanhi ng apat hanggang limang metro taas ng alon (storm surge).

Ang bagyong Ruby at hanging Amihan ay magdadala ng maalong karagatan partikular sa mga seaboard ng Northern Luzon, eastern seaboard ng Central at Southern Luzon, seaboard ng Visayas at northern and eastern seaboards ng Mindanao.

Pinapayuhan ang mga mangingisda sa naturang mga lugar na huwag munang pumalaot dahil mapanganib.

Inaasahan na lalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyong Ruby sa Miyerkules, Disyembre 9. -DCR

Advertisements