Signal number 3 itinaas na sa siyam na lalawigan dahil sa bagyong Ruby

ruby

Source: PAGASA

 

Bahagyang humina ang bagyong Ruby (Ruby) ayon sa pinakahahuling weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Kaninang 10:00 ng umaga huling namataan ang bagyo sa layong 180 kilometro silangan, hilagang-silangan ng Borongan, Eastern Samar.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 188 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 220 kilometro bawat oras.

Patuloy ang pagkilos ng bagyo pa-kanluran sa bilis na 13 kph.

Nakataas na ang public storm warning signal number 3 sa mga lalawigan ng Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, Ticao Island, Northern Samar, Eastern Samar, Samar at Biliran.

Nasa ilalim naman ng public storm warning signal number 2 sa Camarines Sur, Burias Island, Romblon, Capiz, Northern Cebu, Cebu City, Bantayan Island, Camotes Island, Leyte, Southern Leyte, at Dinagat Province.

Nakataas naman ang signal number 1 sa mga probinsya ng Southern Quezon, Camarines Norte, Marinduque, Batangas, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Aklan, Antique, Iloilo, Guimaras, Northern Negros, natitirang bahagi ng Cebu, Bohol, Surigao del Norte at Siargao Island.

Inaasahan na Linggo ng madaling-araw tatama sa kalupaan ang bagyong Ruby sa pagitan ng Eastern Samar at Northern Samar.

Kasabay nito ay inaasahan na magdadala ng malakas na hangin at matinding pag-ulan ang bagyo bukod pa sa hanggang 4.5 metrong taas ng alon (storm surge0 na maaring idulot nito sa mga baybayin. 

Sa pinakahuling mga impormasyon ay ramdam na sa bahagi ng Eastern Samar partikular sa bahagi ng Borongan ang malalakas na pag-ulan at ihip ng hangin.

Ganito rin ang kalagayan ngayon sa Albay na nakapagsagawa na ng preemptive evacuation dahil sa papalapit na bagyo.-DCR

 

 

 

 

 

 

Advertisements