Matapos ang Eastern Samar: Bagyong Ruby sunod na target ang Masbate

bagyo

Source: PAGASA

 

 

Patuloy na nananalasa ngayon ang bagyong Ruby sa Kabisayaan at sunod nitong target ang lalawigan ng Masbate.

Bagama’t patuloy na humihina ang bagyo matapos ang unang landfall kagabi sa Dolores, Eastern Samar ay inaasahan naman na muli itong tatama sa lupa mamayang  alas 10 ng umaga o hanggang alas 12 ng tanghali.

Sa pinakahuling weather forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan bandang 4:00 ng madaling araw  ang lokasyon ni Ruby sa bahagi ng Calbayog City o 40 kilometro hilagang-kanluran ng Catbalogan, Samar.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 160 kilometro kada oras at may pagbugso na hanggang 195 kilometro bawat oras.

Patuloy itong kumikilos pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.

Nakataas na ang signal number 3 sa mga lalawigan ng Romblon, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate kasama ang Burias at Ticao Island, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Leyte, Biliran.

Nasa ilalim naman ng storm warning signal number 2 sa mga probinsya ng Camarines Norte, Southern Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro Laguna, Batangas, Northern Antique, Aklan, Semirara Grp. of Islands, Capiz, Northern Iloilo, Northern Cebu  kasama ang Cebu City, Southern Leyte, Bantayan at Camotes Islands.

Nakataas naman ang signal number 1 sa Metro Manila, Pampanga, Bulacan, Rest of Quezon, Rizal, Bataan, Cavite, Lubang Island, Calamian Group of Islands, Cuyo, Rest of Antique, Rest of Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Rest of Cebu at Bohol, Surigao del Norte kasama ang Siargao Island at Dinagat Province.

Bukas ng umaga tinataya ang bagyo na nasa layong 55 kilometro timog-silangan ng Calapan City, Oriental Mindoro.

Dahil dito ay inaasahan din na makakaapekto na sa Metro Manila ang ulan at hangin na dala ng bagyo simula mamayang gabi dahil sa outer rain band nito.

Inaasahan naman na lalabas ang bagyo sa bansa sa Miyerkules.-DCR

 

Advertisements