Commuters haharangin ang taas pasahe sa MRT at LRT

LRT rush hour

Rush hour situation in LRT-1 station. Photo courtesy of TREN Facebook

 

Haharangin ng grupong Train Riders Network (TREN) ang napipintong pagpapatupad ng taas pasahe sa LRT at MRT sa darating na Enero 2015.

Sinabi ni TREN spokesman James Relativo, kinokonsulta na nila ngayon ang kanilang mga abogado para sa mga gagawing hakbang laban sa Department of Transportation and Communication (DOTC) hinggil sa taas pasahe sa nasabing mga mass transport system.

Kahapon ay inianunsyo na ng DOTC ang aprubadong taas pasahe sa MRT at LRT na magaganap simula sa Enero 4.

Dahil dito ang pasahe mula sa Baclaran Station hanggang Roosevelt Station ng LRT -1 ay papalo na sa P30 mula sa kasalukuyang P20.

Ang pasahe naman mula sa Recto hanggang Santolan Station ng LRT-2 ay aabot na sa P25 habang ang sa MRT-3 naman na mula North Avenue hanggang Taft Avenue Station ay aabot na ngayon sa P28 mula sa dating P15.

Sinabi ni DOTC Sec. Jun Abaya na makatarungan na ang pagtataas pasahe sa nasabing linya ng mga tren dito sa Metro Manila lalo pa at taong 2003 pa nagkaroon ng huling fare increase sa LRT-1.

Ayon pa sa kalihim, ang pamasahe sa MRT -3 ay mas binabaan pa nga dati samantalang ang LRT -2 naman umano ay hindi pa nagtataas ng pasahe.

Para naman sa grupong TREN, ang taas pasahe na ito ay tila regalo ng administrasyong Aquino at ni Abaya ngayong Kapaskuhan sa anila ay mga incompetent na nagpapatakbo at may-ari ng LRT at MRT.

Sinagot din ng grupo ang pahayag ni Abaya na matanggal ng hindi natuloy ang taas pasahe sa MRT at LRT sa pagsasabing kaya ito laging hindi natutuloy at mahigpit na tinututulan ay dahil hindi ito makatarungan.-DCR

Advertisements