Para sa Kapaskuhan at Papal visit: AFP, PNP at NPA nagdeklara ng ceasefire

NPA

Image courtesy of Marco Valbuena

 

Parehong magpapatupad ng tigil putukan ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at New People’s Army (NPA) ngayong holiday season at sa pagbisita dito sa bansa ni Pope Francis.

Sa kalatas na inilabas ng Communist Party of the Philippines (CPP) ay inatasan nito ang lahat ng unit ng NPA na magpatupad ng ceasefire ngayong Kapaskuhan at sa nalalapit na pagbisita ni Pope Francis sa Enero 2015.

Ang ceasefire ay magiging epektibo mula 12:01 ng madaling araw ng Disyembre 24, 2014 hanggang 11:59 ng gabi ng Disyembre 26, 2014.

Sa Bagong Taon naman ay magkakaroon ng ceasefire simula 12:01 ng madaling araw ng Disyembre 31, 2014 hanggang 11:59 ng gabi ng Enero 1.

Sa pambihirang pagkakataon din ay limang araw na ceasefire naman ang ipapatupad ng CPP-NPA para sa pagbisita ng Santo Papa dito sa Pilipinas.

Francis

Pope Francis Image from: communio.stblogs.org

 

Epektibo mula 12:01 ng madaling araw ng Enero 15, 2015 hanggang 11:59 ng gabi ng Enero 19, 2015 ang tigil putukan para bigyang daan ang Apostolic visit sa bansa ni Pope Francis.

“Inilalabas ang deklarasyong ito bilang pakikiisa sa sambayanang Pilipino sa kanilang pagdiriwang ng tradisyunal na Kapaskuhan na makakasabay ng selebrasyon ng anibersayo ng PKP sa Disyembre 26. Inilalabas din ang deklarasyon ng tigil-putukang ito bilang paggalang sa papalapit na pagbisita ng ama ng Simbahang Katoliko Romano na si Pope Francis na inaabangan ng sambayanang Pilipino na isang pagkakataon para sa selebrasyong panrelihiyon at upang iparating ang mga tampok na isyu tulad ng pang-aabusong militar at mga paglabag sa karapatang-tao at karapatan ng mga bata, ang isyu sa Hacienda Luisita at ang malawakang kawalang-lupa, kahirapan at pagsasamantala sa mga magsasaka at manggagawa, burukratikong korapsyon at kapabayaan ng gubyerno sa mga nakaligtas sa mga sakuna at sa mahihirap,” pahayag pa ng CPP.

Una nito ay nagdeklara na rin ng tigil putukan ang sa pamamagitan ng suspension of offensive military operations (SOMO) ang AFP at PNP laban sa mga rebeldeng NPA.

Sa pahayag ng gobyerno magsisimula ang ceasefire sa hatinggabi ng Disyembre 18, 2014 hanggang hatinggabi ng Enero 19, 2015.

“We would like to announce that upon the recommendation of the AFP as concurred to by the Philippine National Police and favorably endorsed by the Department of National Defense, the President has approved the Unilateral Declaration of Suspension of Military and Police Operations against the CPP-NPA from midnight of 18 December 2014 to midnight of 19 January 2015,” pahayag pa ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla.

Sa kabila nito ay tiniyak naman ng gobyerno na handa at magiging alerto ang tropa nito lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan upang protektahan ang mamamayan pati na ang mga vital installation ng bansa.

Bukod dito ay puspusan na rin umano ang paghahanda ng AFP at PNP para sa nalalapit ng pagbisita ng Santo Papa sa susunod na buwan.-DCR

Advertisements