Taas pasahe sa LRT at MRT simula na sa Enero 4

 

Taas pasahe ang bubulaga sa lahat ng mananakay ng MRT-3, LRT 1 at LRT 2 sa susunod na buwan.

Ito ay matapos aprubahan ng Department of Transportation and Communication ang taas pasahe sa nasabing mga mass transport system simula Enero 4, 2015.

Kahapon (Disyembre 20) ay pormal na inianunsyo ng DOTC ang magaganap na taas pasahe matapos ang matagal na panahong pagkakabinbin nito.

Dahil dito ang pasahe mula sa Baclaran Station hanggang Roosevelt Station ng LRT -1 ay papalo na sa P30 mula sa kasalukuyang P20.

LRT -1

Photo courtesy of ANC 24/7

 

Ang pasahe naman mula sa Recto hanggang Santolan Station ng LRT-2 ay aabot na sa P25 habang ang sa MRT-3 naman na mula North Avenue hanggang Taft Avenue Station ay aabot na ngayon sa P28 mula sa dating P15.

Sinabi ni DOTC Sec. Jun Abaya na makatarungan na ang pagtataas pasahe sa nasabing linya ng mga tren dito sa Metro Manila lalo pa at taong 2003 para sa LRT-1 pa umano huling nagkaroon ng fare increase.  

LRT 2

Photo courtesy of ANC 24/7

 

Ayon pa sa kalihim, ang pamasahe sa MRT -3 ay mas binabaan pa nga dati habang kahit kailan simula ng mag-umpisa ang operasyon ng LRT-2 ay hindi pa ito nagtataas ng pasahe.

MRT

Photo courtesy of ANC 24/7

 

“It’s a tough decision, but it had to be made. It’s been several years since an increase was proposed. We delayed its implementation one last time until after the Christmas season. While 2015 will see increased fares, it will also see marked improvements in our LRT and MRT services,” pahayag pa ng kalihim.

Tinatayang P2 bilyon ang matitipid umano ng gobyerno ayon sa kalihim dahil sa magaganap na taas pasahe. Umaabot sa 60% sa pamasahe para sa bawat commuter ang subsidized ng gobyerno habang aabot naman sa 75% ang subsidy na ibinibigay ng pamahalaan para sa pasahe ng bawat MRT-3 passenger.-DCR

Advertisements