Binay, Poe at Roxas nanguna sa pinakabagong SWS survey

binaypoemar

(From L to R) Vice Pres. Jejomar Binay, Sen. Grace Poe and DILG Sec. Mar Roxas Image courtesy of: politics.com.ph

 

Nanguna sina Vice President Jejomar Binay, Senator Grace Poe at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) para sa mga posibleng papalit kay Pangulong Benigno Aquino III sa pagbaba nito sa pwesto sa 2016.

Ginawa ng SWS ang survey noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, 2014.

Aabot sa 1,800 katao ang naging respondents ng survey sa buong bansa.

Itinanong ng SWS sa mga kasali sa survey kung sino ang sa tingin nila ay mga mabubuting lider na pwedeng pumalit kay PNoy bilang Pangulo. Bawat tinanong ay pinayagan na magbigay ng tatlong pangalan.

Lumalabas na si Binay pa rin ang nangunguna matapos makakuha ng 37% na sinundan naman ni Poe na may 21% habang nakakuha naman si Roxas ng 19%.

Bago ang paglabas ng resulta ng survey ay umuugong na ang balitang napupusuan ng kampo ni Binay si Poe bilang running mate nito sa 2016 Election.

Halos ganito rin ang lumulutang na kagustuhan ng karamihan sa mga miyembro ng Liberal Party kung saan nais nilang itambal si Poe sa napipisil nilang standard bearer na si Roxas.

Hanggang sa kasalukuyan naman ay naninindigan si Poe na wala itong balak tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016.

Bukod naman sa tatlo ay lumabas din ang pangalan sa survey nina Sen. Miriam Santiago (10%), Sen. Chiz Escudero (9%), Manila Mayor Joseph Estrada (9%), Davao City Mayor Rodrigo Duterte (5%) at Sen. Antonio Trillanes IV (5%).

Pasok din sa survey ang pangalan nila Sen. Ferdinand Marcos Jr. (3%), Sen. Alan Peter Cayetano (3%), dating senador Manny Villar (2%), Sen. Bong Revilla Jr. (2%), Sec. Ping Lacson (2%),  Sen. Loren Legarda (1%), Senate President Franklin Drilon (1%), dating senador Francis Pangilinan (1%), at Sarangani Rep. Manny Pacquiao (1%). -DCR

Advertisements