Hiling na ‘Christmas furlough’ ni CGMA pinayagan ng Sandiganbayan

CGMA

Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo Image from: CGMA Facebook

 

Pinayagan ng Sandiganbayan First Division si dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na makapagdiwang ng Kapaskuhan sa kanyang tahanan.

Sa resolusyong inilabas ng korte ay iginawad nito kay Arroyo ang hiling na Christmas furlough ng kongresista.

Pinapayagan ng hukuman si Arroyo na makapagdiwang ng Pasko sa kanyang bahay sa La Vista, Quezon City mula 10:00 ng umaga ng Disyembre 23 hanggang 2:00 ng hapon ng Disyembre 26.

Bawal namang magtungo sa iba pang lugar tulad ng Pampanga si CGMA at tanging sa bahay lamang nito sa La Vista siya pwedeng manatili.

Pinagbabawalan rin sa ilalim ng resolusyon ang anumang media interview habang pwede naman siyang makagamit ng mga electronic device subalit dapat ay nasa ilalim pa rin ito ng superbisyon ng kanyang bantay.

Ang lahat ng ng gastos para sa paglilipat at pagbabantay kay Arroyo sa panahon ng pagkakaloob dito ng Christmas furlough ay sasagutin mismo ng mambabatas.

Sa orihinal na petisyon sa Sandiganbayan ay 12-day Christmas furlough sana ang hiling ng kampo ni Arroyo subalit ginawa lamang itong tatlong araw ng korte.

Bago ito ay tinutulan na rin ng prosekusyon na payagang makapagdiwang ng Pasko si Arroyo sa labas ng Veterans Memorial Medical Center kung saan ito naka-hospital arrest sa kadahilanang non-bailable ang kasong isinampa laban dito.-DCR

Advertisements