Lacson nagbitiw na sa pwesto bilang ‘Yolanda’ rehab czar

ping

OPARR Sec. Panfilo “Ping” Lacson Image from: Ping Lacson Facebook

 

Nagbitiw na si Sec. Panfilo Lacson bilang pinuno ng Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR).

Sa panayam ng dzBB kahapon kinumpirma ni Lacson ang pagsusumite niya ng irrevocable resignation kay Pangulong Benigno Aquino III.

Paliwanag ng kalihim, layon nito na tuluyan ng maipasa at maibigay ang trabaho ng OPARR sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay Lacson, humiling siya ng transition period kay PNoy at ito ay magsisimula sa unang araw ng trabaho sa Enero 2015.

Inaasahan ni Lacson na sa kalagitnaan ng Pebrero ay tuluyan ng maipapasa ang trabaho ng OPARR sa NDRRMC.

Ayon pa kay Lacson, mas makabubuting ma-institutionalize ang mga nasimulan ng kanyang tanggapan lalo pa at hindi bababa sa 20 bagyo ang dumadaan sa Pilipinas kada taon bukod pa sa iba pang uri ng kalamidad na nararanasan ng bansa.

Isa sa mga nakamit ng OPARR sa pamumuno ni Lacson ay ang pagkakabuo at pagsusumite kay PNoy ng komprehensibong plano para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng bagyong Yolanda. Nilagdaan ito ng Pangulo noong nakaraang Oktubre.

Itinalaga si Lacson para pamunuan ang programa ng gobyerno para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda noong Disyembre 2013.

Hanggang sa kasalukuyan naman ay hindi pa nagkokomento ang MalacaƱang hinggil sa pagbibitiw ng kalihim.-DCR

Advertisements