President Benigno S. Aquino III’s Message for New Year 2015

PNoy1

Philippine Pres. Benigno Aquino III Photo from: RTVMalacanang Twitter

 

PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III’s  MESSAGE FOR NEW YEAR 2015

Isang taon na naman po ang lumipas at muli tayong tumatawid sa panibagong yugto ng pagtahak sa tuwid na landas. Papasok na po tayo sa ika-limang taon ng ating termino. At sa taong ito, sa tulong ninyong aming mga Boss, ay gagawin nating permanente ang pagbabagong tinatamasa na natin ngayon.

Sa paglingon natin sa nagdaang panahon, atin pong napatutunayan: Patung-patong man ang pagsubok na dumating sa atin, gaano man katindi ang puwersang humarang, at anumang pilit ng masasamang-loob na hilahin tayo pababa, basta’t nakatutok tayo sa iisang direksyon, basta’t magkakapit-bisig tayong humahakbang, walang makakapigil sa pag-abot natin sa ating mga pangarap.

Kamakailan nga lang po, nagdaan sa bansa ang Bagyong Ruby.  Sa awa po ng Diyos, hindi naging ganoon kalubha at kalawak  ang pinsalang dulot nito sa kalakhang bansa. Nais ko pong magbigay-pugay sa lahat ng nakipagkapit-bisig upang masiguro na  marami sa ating kababayan ay mailayo sa peligro.  Maraming salamat sa ating mga front-liner, first-responder, volunteer, at katuwang sa pribadong sektor, upang magbigay ng sapat na preparasyon at tugon sa kalamidad na ito.

Tunay nga po: Sa pagkakaisa at sa pagkilos nang may integridad, naisusulong natin ang transpormasyon ng lipunan. Sa ekonomiya po: Noong nakaraang taon, sa unang pagkakataon, nakamit natin ang investment grade status mula sa tatlong pinakatanyag na credit rating agencies sa mundo. Nitong Disyembre, panibagong upgrade pa ang ibinigay sa atin ng Moody’s, kasunod ng upgrade na binigay ng Standard and Poor’s noong Mayo. Suma-tutal: 21 positive credit rating actions na ang ating nakamit sa panahon ng ating panunungkulan.

Ano po ba ang ibig-sabihin nito para sa mga Pilipino? Mas murang mahihiram ng gobyerno ang pondo para sa mga programa’t proyekto; mas naeengganyo ang mga negosyanteng maglagak ng puhunan sa bansa, at mas mabilis nating maihahatid ang mga benepisyo sa ating mga kababayan. Sa atin namang Public-Private Partnership program: Ang dating iniiwasan, ngayon, nililigawan. Mula Disyembre 2011 hanggang Disyembre 2014, walong (8) PPP projects na ang nai-award at nalagdaan ng inyong pamahalaan. Ang halaga nito: mahigit 127 bilyong piso. Sa apat na taon natin sa tuwid na daan, nahigitan na natin ang pinagsamang anim (6) na aprubadong solicited PPP projects mula sa nakaraang tatlong administrasyon.

Tunay po: Kapag namamayani ang tiwala sa isa’t isa, wala tayong hindi magagawa. Taon-taon, lalo tayong napapalapit sa katuparan ng matagal na nating inaasam: Ang pangmatagalang kapayapaan at malawakang kaunlaran sa Mindanao. Nitong Marso lang, nalagdaan na natin ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro. Inaasahan naman nating maisasabatas ang Bangsamoro Basic Law sa lalong madaling panahon. Ang mga suliraning minana natin, hindi na natin ipapasa sa susunod sa atin. Ang backlog sa aklat, upuan, at silid-aralan, naisara na natin. Ang mga panibagong pangangailangan bunsod ng K to 12, pinupunuan na rin natin.

Sa TESDA: Mula Hulyo ng 2010 hanggang Setyembre ng 2014,  nakapagpatapos na tayo ng 672,258 na mag-aaral sa kanilang Training-for-Work Scholarship Program. Ang maganda pa, ayon sa pag-aaral ng TESDA,  68.5 percent ng mga nagtapos noong 2012 ang nakahanap na ng trabaho sa loob lamang ng anim na buwan. Ang natitira naman, tinutulungan na rin nating makahanap ng trabaho. Sa industriya ng IT-BPM, 70.7 percent ng mga napagtapos ng TESDA at BPAP noong 2012 ang nagkatrabaho. Sa electronics and semiconductor naman, halos 96 percent ang employment rate ng mga napagtapos ng TESDA at SEIPI ngayong 2014.

Nitong Hunyo, sinimulan na rin natin ang Expanded Conditional Cash Transfer Program, na may pondong mahigit 12 bilyong piso. Ngayon, suportado na ang benepisyaryo mula elementarya hanggang umabot sa 18 taong gulang.

Ano po ba ang dulot nito? Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas mataas ng 40 percent ang sahod ng isang high school graduate,  kumpara sa nakatapos lang ng ilang baitang sa elementarya. Ang laking pagkakaiba, di po ba? Paalala lang din po: Sa mga programa nating ito, ang ipinuhunan ng estado, mababawi rin ng estado, may sobra pa. Ang lahat ng ibubuwis ng ating iskolar oras na sila’y magkatrabaho hanggang sa magretiro, ay magbibigay sa mga kababayan natin ng  mas maraming pagkakataon upang umasenso.

Bilang ama ng bayan, obligasyon kong pakinggan ang tinig ng lahat. Tungkulin kong maghanap ng solusyon sa mga problema. Dapat, katanggap-tanggap, may consensus, at makabubuti sa lahat. Kailangan kong isaalang-alang ang interes, punto-de-bista, at halaga ng adbokasiya ng bawat sektor. Hindi puwedeng tutukan lamang natin ang isang panig, at magbulag-bulagan na lamang sa iba. Dapat may nakahanda tayong tugon sa anumang tanong at suliranin. Ang hamon sa atin: palawakin ang ating mga pananaw. Ilagay natin ang ating mga sarili sa posisyon ng kabilang panig, upang magkaroon ng patas na pagtingin sa bawat usapin, at masigurong maisusulong ang kapakanan ng bawat Pilipino.

Isang halimbawa rito ang isyu sa enerhiya at kalikasan: Patuloy ang ating pagsisikap upang maghanap ng balanse sa pagtugon sa kakulangan sa enerhiya, at pangangalaga sa kalikasan. Iyan din po ang ating panawagan sa ating mga katuwang sa ibang mga sangay ng pamahalaan: Buksan natin ang ating mga isip at puso para sa kapakanan ng mas nakakarami. Sa mga pagkakataong tayo po ay may pagkukulang, nawa’y maging mulat tayo rito upang mas mapadali ang paghahanap natin ng angkop na tugon sa mga hamong kinakaharap natin.

Ang malinaw po, mainit man ang debate at matindi man ang diskurso, huwag nating kakalimutan na iisa ang hangarin ng bawat disenteng Pilipino: Siguruhing patas ang laban, palawakin ang oportunidad, at sa lalong madaling panahon ay iangat ang antas ng pamumuhay sa ating bansa.

Tandaan din po natin: Sa kabila ng mga tagumpay na ating pinagsikapan, nariyan pa rin ang iilan, nagmamanman sa ating bawat kilos, at nag-aabang ng anumang pagkakataon upang maibalik tayo sa lumang kalakaran. Mga Boss, patuloy sana tayong maging mapanuri at mapagmatyag. Sa pagpasok natin sa ikalimang taon ng ating pamahalaan, tiwala akong malinaw na sa inyo

kung sino ang mga tunay na kakampi ng taumbayan, at kung sino ang nagpapanggap lang. Ngayong napipitas na natin ang positibong bunga ng pagtahak sa tuwid na landas, mga Boss, lilihis pa ba tayo?

Sa muling pagharap ng sambayanan sa sangandaan, piliin nating muli ang landas ng malasakit at katuwiran; Pumanig tayo sa tama, at umiwas sa mga mapagsamantala. Napakaganda na po talaga ng ating nasimulan; Ang mga mithiin na dati-rati ay  hindi natin magawang pangarapin, ngayon, isa-isa na nating nararating.

Tiwala sa isa’t isa ang nagdadala sa atin dito, at tiwala pa rin ang maghahatid sa atin patungo sa katuparan ng ating kolektibong mithiin. Sa gabay ng Poong Maykapal, at sa ambag ng bawat Pilipino, makakamit natin ang permanenteng pagbabago.

Mga Boss bago ako magtapos may pakiusap sana ako sa inyo. Sana naman iwasan na natin ang pagpapaputok ngayong Bagong Taon. Isipin natin ang naidudulot nito sa ating kapwa at kapaligiran. Nariyan ang kalat at makapal na usok na nagbubungsod ng matinding polusyon pati na ang malalakas na ingay na maaring makapinsala sa pandinig ng iba. Higit sa lahat, nagdudulot din ito ng peligro sa ating mga kababayan na kung tutuusin ay hindi naman kailangan. Pagtuunan na lang sana natin ng atensyon ang ating mga mahal sa buhay dahil alam natin sila naman ang tunay na dahilan kung bakit tayo nagpapasalamat at nagdiriwang.

Isang masigla at mapayapang Bagong Taon po sa ating lahat.

 *       *       *

Advertisements