Patay dahil sa bagyong Seniang umabot na sa 21

Seniang

Image from PAGASA Facebook

 

 

Umabot na sa 21 ang naitatalang patay dahil sa paghagupit ng bagyong Seniang (Jangmi) sa Mindanao at Kabisayaan.

Ang bilang ay nagmula mismo sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa panayam ng dzMM ngayong hapon, sinabi ni NDRRMC Usec. Alexander Pama na ang naturang bilang ay posible pang madagdagan kapag pumasok na ang ilang datos na patuloy nilang bineberipika hanggang sa kasalukuyan.

Sinabi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman na bukas ay magpapalipad sila ng isang C-130 patungong Bohol para magpadala ng paunang tulong sa mga sinalanta ng bagyo.

Sa ulat naman ng Philippine Coast Guard (PCG), simula kaninang 12:00 ng tanghali ay pumalo na sa 15,559 na mga pasahero ang istranded pa rin sa mga pantalan dahil sa bagyo.

Bukod dito ay aabot rin sa 115 barko, 49 motor bancas  509 rolling cargoes ang istranded dahil sa sama ng panahon.

Ngayong gabi ay inaasahan na babaybayin ng bagyong Seniang ang Palawan kung kaya pinaghahanda na ang mga residente doon partikular na ang mga nakatira sa Central at southern Palawan.

Kaninang 4:00 ng hapon, huling namataan ng PAGASA ang bagyong Seniang sa layong 108 km timog-kanluran ng Iloilo City.

Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro kada oras at may pagbugsong aabot sa 80 kilometro kada oras.

Kumikilos pa rin ito pa-kanluran sa bilis na 19 kilometro kada oras.

Nakataas na ang storm warning signal number 2 sa mga lalawigan ng Cuyo Island, Palawan, Guimaras, Southern Antique at Southern Iloilo.

Nasa ilalim naman ng signal number 1 ang mga probinsya ng Calamian Group of Islands, Negros Occidental, Aklan, Capiz, natitirang bahagi ng Iloilo at  natitirang bahagi ng Antique.-DCR

Advertisements