Ilang paalala inilabas ng Simbahan para sa mga dadalo sa Papal visit

Cardinal Tagle

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle Click HERE to play video

 

Inilabas ng Simbahang Katoliko ang ilang mga paalala at panuntunan para sa mga dadalo sa mga aktibidad kaugnay sa pagbisita ni Pope Francis dito sa Pilipinas sa darating na Enero 15-19.

Kasabay nito ay hiniling ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na patuloy na manalangin ang lahat upang maging matiwasay, maayos, makahulugan at mabiyaya ang pagbisita ng Santo Papa sa bansa.

Kabilang sa mga hinihiling sa mga dadalo sa mga pagtitipon na may kaugnayan sa papal visit ay ang pag-awit at pagtugon sa mga misa, pagpapanatili sa kaayusan at katahimikan ng misa, at pakikinig sa mga kinauukulan tungkol sa mga kaayusan.

Hinihiling din sa lahat ng mga makikiisa sa papal visit na iwasan ang pagkakalat at panatilihing malinis ang mga lugar ng pagtitipon.

 

Ipinapaalala din na ang mga may car pass lang ang pwedeng payagan sa mga drop off points.

Pinakikiusapan din ang lahat na magbihis ng naaayon sa panahon at pagtitipon.

Para naman sa mga magsasama ng bata, tiyakin na maaalagaan ang mga ito sa panahon ng pagtitipon upang hindi mawala.

Sinasabihan din ang lahat na igalang ang mga ilalagay na barikada at huwag magtulakan sa panahon ng papal visit.

Sa mga dadalo naman sa concluding mass na idaraos ng Santo Papa sa Enero 18 sa Quirino Grandstand, hinihiling sa lahat na magdala ng imahen ng Sto. Niño.

Ang mga dadalo ay tuturuan ng sayaw ng Sinulog ng mga mananayaw mula sa Cebu lalo na at natapat ang naturang misa sa Pista ng Sto. Niño.

Bukod dito ay pinagdadala rin ang mga dadalo ng kandila para sa gagawing pagtitipon.

Nanawagan si Tagle sa lahat na bigyang pansin ang naturang mga paalala at tagubilin tungkol sa seguridad, kalinisan, kalusugan at kaayusan ng mga gagawing pagtitipon.-DCR

Advertisements