Smartmatic nakakuha ng panibagong kontrata para sa 2016 election

12

Board of Election Inspectors and poll watchers look closely at the PCOS machine as it transmits the election results after the voting ends in a precinct in Cubao ES, Quezon City last May 2013. Photo: Demetrio Ragua

 

Sa kabila ng kaliwa’t kanang mga batikos at pagpuna tungkol sa nagdaang halalan 2010 at 2013 ay muling kinuha ng Commission on Elections (COMELEC) ang serbisyo ng Smartmatic para sa nakatakdang 2016 National and Local Election.

Nagkakahalaga ng P1.2 bilyon ang panibagong kontrata na iginawad ng COMELEC sa Smartmatic.

Dahil dito wala ng bidding na magaganap para sa pagbili ng mga bagong makina na gagamitin sa darating na halalan.

Ayon sa komisyon, kakapusin na sila sa oras kung itutuloy pa ang bidding kung kaya mas minabuti na lamang nila na i-extend ang warranty ng mga PCOS machine na nag-expire noon pang Disyembre 2013.

Nakapaloob sa naturang kasunduan ang pagpayag ng komisyon na kumpunihin, iayos at i-upgrade ng Smartmatic ang humigit kumulang 82,000 na mga precinct count optical scan (PCOS) machine na gagamitin sa eleksyon sa susunod na taon.

Sa botong 5-2 ng COMELEC en banc ay inaprubahan nito noong Disyembre 23, 2014 ang Comelec Resolution No. 9922 na nagsasaad ng unang bahagi ng kontrata na nagkakahalaga ng P300 milyon.

Dahil dito ay umani agad ng kaliwa’t kanang batikos ang komisyon.

Sa pagtatanggol naman ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes, sinabi nitong hindi pa naibibigay ang buong P1.2 bilyon sa Smartmatic kundi bahagi lamang nito.

Sa panayam ng ABSCBN sinabi ng opisyal na ang P300 milyon ay para lamang sa inisyal na pagsusuri at eksaminasyon ng mga makina.

“The proposal of Smartmatic was a 3-stage contract, which means they will have to go into what is known as diagnostics or examination of the machines, which they pegged at P300 million. Then they will do the actual repair, maintenance and actual corrections of any mistake or error with another P900 million, that would be the second stage.”

“Meron pang 3rd stage yan. It’s another P800 million for the upgrading. The upgrading is a totally different contract,” pahayag pa ni Brillantes.

Sa artikulo naman ng The Philippine Star, kabilang sa mga bumoto para makuha ng Smartmatic ang panibagong kontrata ay sina Brillantes, commissioner Lucenito Tagle, commissioner Elias Yusoph, commissioner Christian Robert Lim at  commissioner Al Parreño habang bumoto naman kontra dito sina commissioner Luie Guia at Arthur Lim.-DCR

Advertisements