Ruta ng Traslacion bahagyang binago matapos ang sunog sa Escolta

 

 

Magbabago ng bahagya ang rutang tatahakin ng mga sasama sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa darating na Biyernes. 

Ito ay matapos irekomenda ng Manila City Engineering Office kay Manila City Mayor Erap Estrada na huwag ng padaanin sa Escolta ang Traslacion dahil sa nagbabagsakang debris mula sa nasunog na gusali ng City College of Manila.

Dahil dito ay nagpulong na ang mga awtoridad para sa gagawing rerouting sa rutang daraanan ng prusisyon.

Imbes na sa Escolta ay sa kasunod na kanto o sa Dasmariñas St. na posibleng padaanin ang andas ng Poong Nazareno patungong Tetuan St. hanggang makarating ng Palanca. 

Inaasahan na ang hindi pagpapadaan sa Escolta lamang ang mababago sa orihinal na ruta. 

Umabot sa halos 15 oras bago naapula ang sunog na umabot sa Task Force Bravo.

Itinayo ang natupok na gusali ito noong 1965 ng tanyag na arkitektong si Carlos Arguelles at ginamit bilang punong tanggapan ng Philippine National Bank (PNB).-DCR

Advertisements