Santiago nananatiling ‘top performing senator’ ng Senado

 

Nananatiling si Sen. Miriam Defensor-Santiago ang ‘top performing senator’ ng Senado.

Sa kabila ng pagkakaroon ng sakit na kanser ay si Santiago pa rin ang may pinakamaraming panukalang batas na naipasa noong nakaraang taon.

Aabot sa kabuuang 1,007 panukala at mga Senate resolution ang naipasa ng senador hanggang noong Disyembre 17, 2014 na huling araw ng Kongreso para sa nasabing taon.

Kabilang sa mga batas na isinulat at nag sponsor si Santiago ay ang Reproductive Health Act; Biofuels Law; Renewable Energy Law; Sin Tax Law; Magna Carta of Women; Anti-Photo and Video Voyeurism Act; Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity; Cybercrime Law; Seatbelt Law; Exact Change Act; Philippine Standard Time Act; Motorcycle Helmet Act; Kasambahay Law; Anti-Bullying Law; Archipelagic Baselines Law; at Climate Change Act.

Ang pinamumununang foreign affairs committee din ng senadora sa ilalim ng Commission on Appointments (CA) ang top performer sa mga komite sa ilalim ng CA.

Bago naman matapos ang termino sa 2016, itinutulak ni Santiago na maipasa ang ilan sa kanyang mga panukala tulad ng Anti-Commercialization of Human Organs, Tissues or Parts of Living Persons Bill; the Anti-Epal Bill; the Anti-Political Dynasty Bill; Billboard Regulation Bill; Call Center Bill; Child Care Centers Bill; Certificate of Intention to Run for Public Office Bill; Clear Sidewalks Bill; Compulsory Teaching of Ethics Bill; Deceased Donor Bill; HIV and AIDS Bill; Magna Carta of Workers in the Informal Sector; Pthalate-Free Toy Bill; Special Education Bill; Magna Carta for Philippine Internet Freedom; at Whistleblowers Bill.

Bukod naman kay Santiago ay kabilang din sa mga top performer ng Senado sa pagtatapos ng 2014 sina Sen. Jinggoy Estrada na nakapaghain ng 604 panukala at resolusyon, Sen. Antonio Trillanes IV na umabot sa 307 ang mga naihaing panukala at resolusyon, Sen. Lito Lapid na may  219, at  Sen. JV Ejercito na may 217.

Una ng sinabi ni Santiago na nais niyang maging Pangulo sakaling tuluyang gumaling sa sakit na cancer. Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1 ng nakaraang taon ay pang apat ang senadora sa nais ng taumbayan na maluklok sa pagka pangulo sa 2016.-DCR

 

 

Advertisements