Pahalik sa Itim na Nazareno nagsimula na

NPJN

Image courtesy of Hijos Del Nazareno Central

 

Maagang sinimulan ang tradisyunal na “Pahalik” sa Quirino Grandstand sa bisperas ng Traslacion ng Itim na Nazareno.

Bandang 4:00 ng madaling araw pa lamang kanina ay pinayagan na ang mga deboto na simulan na ang Pahalik. 

Inagahan mula sa unang inianunsyo na 1:00 ng hapon ang Pahalik upang mas mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na ang karamihan ay galing pa sa malalayong lugar na makalapit at makahalik sa imahen ng Poong Nazareno.

Imbes na umaga ng Biyernes ang misa ay gagawin na rin ito mamayang 12:00 ng hatinggabi upang mas maisentro ng mga deboto ang kanilang atensyon sa misa.

Ginawa ito upang maiwasan na ang naganap noong nakaraang taon na pagdumog ng mga tao sa imahen ng Poon bago pa man matapos ang misa.

Isang panalangin naman ang pamumunuan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bago simulan ang Traslacion.

Sa ngayon ay mahaba na ang pila ng mga tao sa Pahalik sa Quirino Grandstand at inaasahang dadami pa ito ngayong maghapon hanggang mamayang gabi.

Kasabay nito ay nanawagan naman si Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo sa mga deboto ng Itim na Nazareno na maging disiplinado.

Ayon kay Pabillo, hinihiling niya sa mga deboto na isapuso at isabuhay ang tunay na kahulugan ng debosyon sa Poong Nazareno kung saan nagpapakita ito ng pananalangin, pagsasakripisyo, pagbabalik loob at pagbibigay ng sarili.-DCR

 

 

 

Advertisements