China patuloy sa pagtatayo ng mga istruktura sa West Philippine Sea

Mabini Reef

Mabini Reef then (L) and now (R) Photo courtesy of The Philippine Star

 

 

Patuloy sa pagtatayo ng mga pasilidad imprastraktura ang China sa mga islang sakop ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea.

Sa pinakahuling impormasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay sinabi nito na halos nasa 50 porsyento ng kumpleto ang ginagawang proyekto ng China sa Mabini Reef.

Ayon kay AFP Chief Gregorio Pio Catapang, nakakaalarma ito dahil maaaring magamit ang naturang mga pasilidad sa iba pang paraan.

Sa isang larawan na inilabas ng pahayagang The Philippine Star, ay kitang kita ang lalo pang pagdami ng mga istruktura sa Mabini Reef.

Ang naturang lugar ay nasa layong 194 nautical miles lamang mula Palawan at pasok sa itinakdang 200 kilometer exclusive economic zone ng bansa.

Bukod sa naturang lugar ay namataan na rin ang pagtatayo ng China na nagtatayo ng gusali, helipad at runways sa iba pang isla sa West Philippine Sea tulad sa Calderon (Cuarteron) Reef, Burgos (Gaven) Reef, at Kennar (Chigua) Reef.

Balak na ring tayuan ng China ng runway ang Kagitingan Reef (Fiery Cross Reef).

Tiniyak naman ng AFP na patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa mga ginagawang aktibidad ng China sa nasabing mga lugar.

Kasabay nito nanindigan naman si China Foreign Ministry spokesman Hong Lei na nasa ilalim ng soberanya ng China ang lahat ng ginawa nito sa naturang mga lugar dahil ito ay kanilang nasasakupan.

Sa ngayon ay patuloy na dinidinig ang arbitration case na isinampa ng Pilipinas sa China sa arbitral tribunal at inaasahang maglalabas ng desisyon ang korte sa 2016.-DCR

Advertisements