Bayan kasado na ang gagawing pagsalubong kay Pope Francis

francis bayan

Image courtesy of BAYAN

 

Kasado na ang gagawing pagsalubong ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa nakatakdang pagdating bukas dito sa bansa ni Pope Francis.

Tinawag ng grupo na ‘Salubong ng Mamamayan’ (People’s Welcome) ang inihahanda nilang programa kasabay ng pagbisita sa bansa ng Santo Papa.

Kasabay nito ay magtitipon tipon bukas ang iba’t ibang progresibong organisasyon sa Liwasang Bonifacio para sa ‘Pagsambang Bayan’ na handog para sa ligtas na apostolic visit sa bansa ni Pope Francis.

Bukod dito ay magdaraos din ng pagsalubong ang grupong Bayan sa Santo Papa sa Enero 16 at 17 sa Maynila at Tacloban City.

Ayon sa grupong Bayan, ang naturang mga programa at aktibidad ay handog nila kay Pope Francis bilang pasasalamat sa patuloy nitong paninidigan para sa katarungan at kapayapaan.

Hiling din ng grupo na maging daan ang pagdalaw ni Pope Francis sa bansa upang mapalaya na ang mahigit sa 500 bilanggong politikal.

Umaasa rin ang grupo na magiging instrument ang Santo Papa para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF)

Kasabay nito ay nais din ng grupo na makita sana ni Pope Francis ang totoong estado ng Pilipinas lalo na ang mga isyu tungkol sa kahirapan, kawalang trabaho, kagutuman at patuloy na paglabag sa mga karapatang pantao.

Panawagan pa ng grupo, huwag hayaang makahadlang ang mga barikada at mahigpit na seguridad na inilatag para sa kaligtasan ng Santo Papa upang makita nito ang totoong kalagayan ng mga Pilipino. -DCR

Advertisements