Mga lugar na kasama sa papal visit idineklarang ‘firearms free zones’ ng PNP

 

Idineklarang ‘firearms free zones’ ng Philippine National Police ang mga lugar na kabilang sa mga pagdarausan ng mga aktibidad kaugnay sa apostolic visit ni Pope Francis dito sa Pilipinas.

Ang kautusan ay ipinalabas ni PNP officer in charge Police Deputy Director General Leonardo Espina.

Aabot sa siyam na lugar ang deklaradong hindi pwedeng pagdalhan ng mga armas sa panahon ng papal visit.

Kabilang sa mga ito ang Apostolic Nunciature sa Taft Avenue, Palasyo ng Malacañang, Manila Cathedral, University of Santo Tomas, Quirino Grandstand, SM Mall of Asia Arena, Villamor Air Base, Tacloban City at bayan ng Palo sa Leyte.

Kasama rin sa mga lugar na bawal magdala ng mga armas ang lahat ng mga ruta at lansangan patungo sa nasabing mga destinasyon.

Ang kautusan ng PNP ay epektibo sa loob ng limang araw o mula Enero 15-19.

Sakop ng kautusan kabilang ang mga nakasibilyang kagawad ng PNP, Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa pagpapatupad ng batas.

Maging ang mga indibidwal na may dalang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) ay sakop din ng memorandum order.

Ang sinumang mahuhulihan ng armas sa mga idineklarang ‘firearms free zones’ ay agad na aarestuhin at ipaghaharap ng karampatang reklamo.-DCR

Advertisements