Pope Francis darating sa Pilipinas ngayong araw

Pope Francis

Pope Francis during his apostolic trip to Sri Lanka Image courtesy of Vatican Radio – English Section

 

Ramdam na ang saya at pananabik ng milyun-milyong Pilipino para sa pagdating ngayong araw ni Pope Francis dito sa Pilipinas.

Ganap na 5:45 mamayang hapon ay inaasahan na lalapag sa Villamor Airbase sa Pasay City ang chartered flight ng Santo Papa mula sa katatapos lamang na apostolic visit nito sa Sri Lanka.

Huling nabisita ng isang Santo Papa ang bansa noong Enero 1995 o 20 taon na ang nakakaraan.

Pangungunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagsalubong kay Pope Francis kasama ang iba pang opisyal ng gobyerno.

Matapos ang welcome ceremony ay agad na isasagawa ang motorcade mula Pasay hanggang makarating sa Maynila kung saan tutuloy ang Santo Papa sa Apostolic Nunciature.

Sa kasalukuyan ay nagsisimula ng pumwesto ang ilang mga mag-aabang kay Pope Francis sa mga rutang daraanan nito.

Aabot ng halos limang araw ang pananatili ng Santo Papa dito sa bansa kung saan nakatakda itong dumalaw bukas sa Malacañang.

Bukod dito ay magsasagawa rin ng kanyang kauna-unahang misa sa bansa si Pope Francis sa Manila Cathedral kung saan dadaluhan ito ng mga obispo, pari at iba pang relihiyoso.

Bukas ng hapon ay magtutungo naman siya sa Mall of Asia Arena para makipagkita sa mga pamilya.

Sa Sabado ay lilipad ang Santo Papa patungong Tacloban at Palo sa Leyte para magdaos ng misa at bisitahin ang mga biktima ng bagyong Yolanda at iba pang kalamidad.

Sa Linggo ay tutungo naman siya sa University of Santo Tomas bago ang nakatakdang misa sa Luneta Grandstand sa ganap na 3:30 ng hapon kung saan inaasahang dadaluhan ito ng humigit kumulang limang milyong katao.

Patuloy naman ang panawagan ng gobyerno sa mga mag-aabang sa mga daraanang ruta ni Pope Francis na makiisa sa mga ipinatutupad na security measures ng mga awtoridad.-DCR

Advertisements