Pope Francis mainit na sinalubong ng mga Pilipino

Pope1

Pope Francis during his motorcade from Villamor Air Base in Manila Image from: PNP Facebook

Mainit na pagsalubong ang ibinigay ng maraming Pilipino sa pagdating ni Pope Francis kahapon dito sa Pilipinas.

Umaga pa lamang ay nakaantabay na ang napakaraming tao sa mga rutang daraanan ng Santo Papa.

Ilan sa mga nag-abang ay nagmula pa sa mga karating lalawigan ng Metro Manila tulad ng Cavite, Laguna, Batangas, Bulacan at Rizal.

Pope2

Pope Francis shows his signature thumbs up to the cheering crowd during his motorcade in Manila. Image courtesy of PNoy Facebook

Ganap na 5:32 ng hapon ng lumapag sa runway 06 ang Sri Lankan Airlines flight ALK 4111 sa Villamor Air Base sa Pasay City.

Sumalubong kay Pope Francis ang humigit kumulang 1,200 mga kabataan na nagsayawan bilang pagbati.

Bandang 6:00 ng hapon ng pormal na binuksan ang pintuan ng eroplano kung saan bilang bahagi ng protocol ay umakyat sina  Papal Nuncio Guiseppe Pinto para batiin at sunduin si Pope Francis kasama si Chief of Presidential Protocol Ambassador Celia Anna Feria.

Matapos ang dalawang minuto o bandang 6:02 ng matunghayan ng mga Pilipino ang Santo Papa paglabas nito sa kanyang eroplano.

Agad itong sinalubong nina Pangulong Benigno Aquino III at Vice President Jejomar Binay saka ginawaran ng arrival honors kung saan tinugtog ang pambasang awit ng Vatican at Pilipinas.

Pope3

Philippine President Benigno Aquino (right) welcomes Pope Francis (left0 during the arrival ceremony in Villamor Air Base south of Manila. Image courtesy of PNoy Facebook

Matapos nito ay inabutan ng bulaklak ang Santo Papa ng 10 taong gulang na si Mark Angelo Balbero at siyam na taong gulang na si Lanie Ortilla.

Dahil sa pagkatuwa ay niyakap naman ni Pope Francis ang dalawang bata.

Nakalinya rin sa red carpet ang 12 miyembro ng gabinete ni PNoy na sumalubong kay Pope Francis.

pope4

Faithfuls watch the arrival of Pope Francis in big screens set up by Archdiocese of Palo in the cathedral ground central Philippines. Image from: Papal Vist Philippines Facebook

Bukod sa kanila ay sinalubong din ng mga obispo kabilang na si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo at Catholic Bishops’Conference of the Philippines president Archbishop Socrates Villegas.

Pinakamatagal namang kinausap ng Santo Papa sa hanay ng mga sumalubong sa kanya si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na kapwa nagyakapan at masaya ng magkita sa tarmac ng paliparan.

Sandaling nagtungo sa Kalayaan Hall ng paliparan si Pope Francis bago inumpisahan ang motorcade.

Hindi naman tumagal ng isang oras ang motorcade kung saan bandang 6:55 ng gabi ay nakapasok na sa Apostolic Nunciature sa Maynila ang popemobile ng Santo Papa.

Sa kabila ng mabilis na pagdaan ng convoy at mismong popemobile ay nagpakita ng disiplina ang mga taong nag-abang sa mga rutang dinaanan ng Santo Papa.

Pope5

Hundreds of youths performs on the tarmac of Villamor Air Base for the arrival of Pope Francis south of Manila. Image courtesy of Papal Visit Philippines 2015

Hindi nagtulakan at sa halip ay naghintay ng maayos kahit pa matagal na nakatayo ang libu-libong katao masilayan lamang si Pope Francis.

Marami naman sa mga sumalubong ang napaluha ng malamang lumapag na ang eroplano ng Santo Papa sa bansa.

Pope6

Young girls from various Catholic schools performs the ‘Sayaw ng Pagbati’ during the arrival of Pope Francis south of Manila. Image courtesy of Papal Visit Philippines 2015

Ang ilan sa kanila hindi na nakapagsalita ng dumaan na sa kanilang harapan ang convoy ni Pope Francis.

Pinuri naman ng gobyerno ang ginawang ito ng mga tao kasabay ng pahayag na umaasa silang ganito pa rin ang gagawin ng mga iba pang mag-aabang sa mga gagawin pang motorcade ng Santo Papa habang naririto siya sa Pilipinas.-DCR

 

 

 

 

Advertisements