Pope Francis nais mapalapit sa mga biktima ng bagyong Yolanda

Pope2

Pope Francis hugs a street child in Manila. Image courtesy of Anak TnK

 

Prayoridad sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas ang makaharap ang pamilyang Pilipino lalo na ang mga naging biktima ng bagyong Yolanda.

Sa kanyang mensahe sa Malacañang kanina sa harap ng Pangulong Benigno Aquino III at iba pang matataas na pinuno ng gobyerno, binigyang diin ng Santo Papa ang pagnanais nitong mapalapit sa mga naging biktima ng pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa sa kasaysayan ng mundo.

“In a particular way, this visit is meant to express my closeness to our brothers and sisters who endured the suffering, loss and devastation caused by Typhoon Yolanda,” pahayag ng Santo Papa.

Kasabay nito ay nagpahayag din ng paghanga ang Santo Papa sa mga biktima ng bagyo dahil sa kanilang katatagan sa kabila ng malagim na trahedyang hinarap nila dahil sa kalamidad.

Pinapurihan din nito ang lahat ng tumulong at nag-alay ng kanilang mga panahon at kayamanan para maitulong sa mas higit na nangangailangan.

Ayon kay Pope Francis, malaking sakripisyo itong maituturing na nagbunga sa pagtutulungan ng bawat isa upang makamit ang hangaring makabangon matapos ang trahedya.

“I have admired the heroic strength, faith and resilience demonstrated by so many Filipinos in the face of this natural disaster, and so many others. Those virtues, rooted not least in the hope and solidarity instilled by Christian faith, gave rise to an outpouring of goodness and generosity, especially on the part of so many of the young. In that moment of national crisis, countless people came to the aid of their neighbors in need. At great sacrifice, they gave of their time and resources, creating networks of mutual help and working for the common good,”pahayag pa ni Pope Francis.

Bukas ng umaga ay nakatakdang lumipad patungong Leyte ang Santo Papa.

Matatandaan na ang nasabing lalawigan ang isa sa mga matinding hinagupit ng bagyong Yolanda mahigit isang taon na ang nakakaraan.

Paglapag sa Tacloban City Airport ay magdaraos ito ng misa na inaasahang dadaluhan ng libu-libong tao.

Sunod nito ay magtutungo sa bayan ng Palo si Pope Francis para makasama sa pananghalian ang mga biktima ng Yolanda at iba pang kalamidad.

Basbasbasan din nito ang puntod ng mga pumanaw dahil sa bagyo na nakalagak sa isang mass grave sa bakuran ng Palo Cathedral.-DCR

 

 

 

Advertisements