Mga opisyal ng Malacañang sa Tacloban ligtas matapos sumadsad ang eroplano

plane2

Plane carrying Malacañang officials overshoots in Tacloban Airport runway. Image from: ABSCBN News Twitter

 

 

Walang nasaktan sa 15 pasahero na sakay ng eroplanong sumadsad sa Tacloban Airport kabilang na ang ilang matataas na opisyal ng Malacañang.

Ito ang naging pahayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.

Sa pahayag ni Lacierda, malakas na hangin ang sanhi ng pagsadsad ng eroplano kung saan lulan sina Presidential Communication and Operations Sec. Sonny Coloma, Executive Secretary Paquito Ochoa, dating AFP Chief of Staff at ngayon ay Undersecretary Emmanuel Bautista, at Undersecretary Felizardo Serapio Jr.

Bukod sa kanila ay lulan din ng eroplano walong iba pang kawani ng gobyerno kasama na ang tatlong crew ng eroplano.

Sinabi ni Lacierda na nasa Tacloban ang naturang mga opisyal para matiyak ang kaayusan ng ginawang pagbisita doon ni Pope Fracis.

Aniya, naipaalam na rin sa pamilya ng mga biktima na ligtas ang mga ito.

“The aforementioned officials were on hand in Tacloban to ensure that the activities of Pope Francis in Tacloban and Palo would go as planned. All 15 passengers and crew members are all safe and suffered no injuries. The families of those on board have also been assured that their loved ones are safe,” pahayag pa ng opisyal.

Ayon pa kay Lacierda, naipaalam na ni Department of Interior and Local Goverment Secretary Mar Roxas ang nangyari kay Pangulong Benigno Aquino III at natutuwa naman ang Pangulo na walang masamang nangyari sa kanyang mga tauhan.

Ipinag-utos na rin umano ni PNoy sa Civil Aviation Authority of the Philippines na imbestigahan ang insidente.

Ang eroplano nina Coloma at Ochoa ay magti-take off ilang minuto matapos namang makalipad pabalik sa Maynila ang special flight ng Santo Papa.

Una nito ay napaaga ang pagbalik ni Pope Francis sa Maynila mula Tacloban dahil sa masamang lagay ng panahon.-DCR

Advertisements