Net satisfaction rating ni PNoy sa huling bahagi ng 2014 bumaba

PNoy

Philippine President Benigno Aquino III Image from PNoy Facebook

 

Bumaba ng isang puntos ang net satisfaction rating ni Pangulong Benigno Aquino III sa huling bahagi ng 2014 ayon sa survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS).

Ginawa ng SWS ang survey mula Nobyembre 27, 2014 hanggang Disyembre 1, 2014 kung saan 1,800 katao ang kanilanmg tinanong sa buong bansa.

Nakakuha si PNoy ng +34 net satisfaction rating para sa huling bahagi ng 2014 na mas mababa ng isang puntos kumpara sa +35 noong third quarter ng nakaraang taon.

Sa kabila nito ay nananatili pa rin sa “good” ang satisfaction rating ng Pangulo.

Lumabas naman sa naturang survey na bumagsak ng 15 puntos ang net satisfaction rating ng administrasyong Aquino sa Metro Manila kung saan mula sa dating +36 puntos noong third quarter ng 2014 ay bumagsak ito sa +21 puntos na lamang sa huling bahagi ng nakaraang taon.

Bumagsak din ang  net satisfaction ng administrasyon sa Visayas at Mindanao.

Sa Visayas, bumagsak ng 14 na puntos ang satisfaction rating ng gobyerno mula sa dating +45 ay bumaba ito sa +31.

Sa Mindanao ay bumaba naman ito ng tatlong puntos at nakakuha ng +43.

Sinabi naman ni Presidential Communication and Operation Office Sec. Sonny Coloma na patuloy lamang na magtatrabaho ang administrasyong Aquino para matamo nito ang mga layuning inilatag para sa bansa.

Kung pagbabatayan naman sa katayuan sa lipunan ay nananatili sa “good level” ang net satisfaction rating ng gobyernong Aquimo.

Tumaas ng dalawang puntos o pumalo sa +40 ang satisfaction rating na nakuha ng gobyerno sa class E o mula sa pinakamahihirap na miyembro ng lipunan sa bansa.

Sa class D naman o ang tinatawag na masa ay nakakuha ang gobyerno ng +32 o pagbaba ng isang puntos habang sa class ABC naman ay bumaba ng anim na puntos ang net satisfaction rating ng administrasyong Aquino kung saan mula sa dating +47 ay bumagsak ito sa +41 puntos.-DCR

 

Advertisements