Disqualification case laban kay Estrada ibinasura ng Korte Suprema

1

Manila Mayor Erap Estrada Image courtesy of Joseph Ejercito Estrada

 

 

“Erap walang katapat!”

Ito ang isinigaw ng karamihan sa mga empleyado ng Manila City Hall matapos ibasura ng Supreme Court ang disqualification case na isinampa upang patalsikin sa pwesto si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Sa botong 11-3 ay ibinasura ng hukuman ang pinagsamang petisyon nina dating Manila Mayor Alfredo Lim at abogado nitong si Alicia Risos-Vidal.

Dahil dito ay kinatigan ng korte ang nauna ng desisyon Commission on Election na nagbabasura sa petisyon ng dalawa.

Sa desisyong pinonente ni Associate Justice Teresita Leonardo de Castro, sinabi ng hukuman na ang ipinupuntong argumento ng mga petitioner para ma-diskwalipika ang alkalde ay dati ng napagdesisyunan ng hukuman ng tumakbo si Estrada noong 2010.

Bumoto naman pabor sa diskwalipikasyon ni Estrada sina Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, Associate Justice Antonio Carpio, at Associate Justice Marvic Leonen habang hindi naman sumali sa botohan si Associate Justice Francis Jardeleza.

Nais na maipa-diskwalipika nina Lim at Vidal si Estrada sa argumentong convicted na ito sa kasong plunder at hindi kasama sa pardon na ipinagkaloob dito ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbabalik sa karapatan ni Estrada upang makatakbo at humawak ng posisyon sa gobyerno.

Matatandaan na si De Castro din ang pinuno ng special division ng Sandiganbayan noon na nag-convict kay Estrada sa kasong plunder.

Agad namang nagpasalamat si Estrada sa lahat ng kanyang tagasuporta at mga naniwala sa kanya.

Sa isang press conference makaraan ang paglalabas ng desisyon ng korte sinabi ng alkalde na patuloy lamang siyang magtatrabaho para sa ikauunlad ng Maynila.

“Ipakita natin na dapat doblehin ang ating trabaho at ipakita natin sa taumbayan na karapatdapat tayo sa tungkulin na iniatang sa atin,” pahayag pa ni Estrada.-DCR

Advertisements