Matapos mapatay ang higit 40 PNP-SAF: ‘MILF huwag pagkatiwalaan!’- Erap

erap

(in fatigue) Former Philippine president and now Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada Image from: Joseph Ejercito Estrada Facebook

 

 

Huwag pagkatiwalaan ang MILF!

Ito ang matapang na pahayag ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada matapos ang pagkamatay ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force sa isang sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao.

Noong Linggo ay nakasagupa ng mga miyembro ng SAF ang pinagsanib na pwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang nagsasagawa ng law enforcement activity sa lugar.

Depensa ng MILF, isang misencounter ang naganap dahil hindi umano nagbigay ng koordinasyon sa kanilang PNP hinggil sa pagpasok nito sa kanilang teritoryo.

Dahil dito sinabi ni Estrada na ito ang dahilan kung bakit naglunsad siya ng all out war laban sa armadong grupo sa Mindanao noong 2000.

Aniya, ganito na lamang palagi ang ginagawa ng Muslim extremist na ito sa kabila ng pakikipagnegosasyon ng pamahalaan sa kanila.

“Peace talks, ceasefire but killings continue, kidnappings continue. What else? We have exhausted all remedies to make peace with them for more than 40 years,” pahayag pa ni Estrada sa programang Headstart sa ABSCBN News Channel kaninang umaga.

Ayon pa sa dating pangulo, nagawang mabawi ng pwersa ng gobyerno noonsa ilalim ng kanyang administrasyon ang Camp Abubakar na siyang pinakamalaking kampo ng MILF kasama ang iba pa nitong mga kuta sa Mindanao.

Bago maganap ang insidente sa Mamasapano ay pinag-uusapan na sa Kongreso ang Bangsamoro Basic Law kung saan pangunahing kasama sa negosasyon ng gobyerno ang MILF.

Sa ngayon bukod kay Estrada ay nagpahayag na rin ng pagkawala ng tiwala sa MILF ang ilang senador gaya nina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. JV Ejercito na binawi na ang pagiging author sa nasabing panukala.

Sa kabila nito umaasa naman si Estrada na maitutuloy ni Pangulong Benigno Aquino III ang usapang pangkapayapaan sa MILF subalit binalaan nito ang Pangulo na ingatan ang pakikipag-usap sa naturang armadong grupo.-DCR

Advertisements