PNoy magbibigay ng pahayag hinggil sa pagkamatay ng higit 40 PNP-SAF members sa Mamasapano massacre

PNoy

Philippine President Benigno Aquino III Image from: PNoy Facebook

 

Nakatakdang magpalabas ng kanyang pahayag si Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa karumal dumal na pagkamatay ng hindi bababa sa 40 miyembro ng PNP-Special Action Force matapos ang isang engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Bukas bandang 6:30 ng gabi ay inaasahan ang live telecast na pahayag ng Pangulo hinggil sa insidente.

Noong Linggo ng madaling araw ay hindi bababa sa 350 mga miyembro ng SAF ang lumusob sa Brgy. Tukanalipao sa naturang bayan upang dakpin ang Jemaah Islamiyah terrorist member na si alyas ‘Marwan’.

Sa kabila nito ayon sa ilang paunang ulat ay tinambangan ng pinagsanib na pwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang mga miyembro ng SAF.

Sa opisyal na bilang mula sa PNP ay mayroon ng 44 SAF member ang kumpirmadong nasawi sa bakbakan habang may 12 iba pa ang sugatan.

Sa pahayag ni Presidential Communication and Operation Office Sec. Sonny Coloma, sinabi nito na patuloy pa rin ang pagtataguyod ng gobyerno sa peace process sa kabila ng pangyayari.

“Ang pananaw ng pamahalaan ay hindi nagbabago. Mahalaga ang peace process sa Mindanao, mahalaga ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law at patuloy pa ring itinataguyod ang prosesong pangkapayaan,” pahayag pa ng kalihim.

Una ng sinabi ng MILF na isang misencounter ang naganap at nangyari umano ito matapos hindi makipag-ugnayan sa kanila ang PNP na papasok sa lugar na kanilang kontrolado.

Matatandaan na patuloy ang pagtalakay hanggang sa kasalukuyan sa panukalang Bangsamoro Basic Law kung saan pangunahing kasama ng gobyerno sa negosasyon ang MILF.-DCR

 

 

 

 

Advertisements