BBL dapat pa ring ipasa: PNoy nanawagan ng kahinahunan matapos ang Mamasapano encounter

noynoy

President Benigno Aquino III Image from PNoy Facebook

 

Nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III sa lahat ng sektor ng pang-unawa at pagiging kalmado sa harap ng pagkasawi ng 44 na miyembro ng PNP Special Action  Force (SAF) matapos ang madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.

Sa kanyang talumpati sa sambayanan ngayong gabi ay sinabi ng Pangulo na kailangan munang malinawan ang lahat bago gumawa ng kongkretong hakbang ang gobyerno.

“Iwasan na rin po sana ng lahat ang pagkakalat ng haka-haka ukol sa mga pangyayari. Mayroon na pong board of inquiry na itinalaga upang makalap ang buong katotohanan. Abangan na lamang po natin ang resulta nito,” pahayag ni PNoy.

Noong Linggo ng madaling araw ay humigit kumulang 350 na mga miyembro ng SAF ang nagsagawa ng isang law enforcement activity sa bayan ng Mamasapano.

noynoy2

PNoy during the signing of Comprehensive Agreement on the Bangsamoro in Malacañang Image from PNoy Facebook

 

Layon sana nitong madakip ang teroristang si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at bomb maker na si Basit Usman. 

Sa kabila nito ay nakasagupa ng mga pulis ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) kung saan may umiiral na ceasefire ang gobyerno.

Muli namang inulit ng Pangulo ang paalala sa lahat hinggil sa isinusulong na kapayapaan ng gobyerno sa Mindanao.

Ayon sa Pangulo, hindi kailangang maisakripisyo ang inaayos na Bangsamoro Basic Law sa kabila ng pangyayari.

“Sa nangyaring insidente sa Mamasapano, mayroon na pong mga nagsasamantala ng trahedya para mabawasan ang tiwala; nais nilang mabigo ang proseso ng pangkapayapaan. Mayroon na nga rin pong nagmumungkahing itigil ang pagsulong ng Bangsamoro Basic Law sa Kamara at Senado. Hindi po dapat mangyari ito,” pahayag ng Pangulo. 

Ayon pa sa Pangulo, nakataya sa pagpasa ng BBL ang pagsulong ng kapayapaan sa Mindanao.

“Nakataya sa [Bangsamoro Basic Law] ang buong peace process. Kung mabibigo ang pagpasa ng batas sa lalong madaling panahon, mabibigo ang peace process, mananatili ang status quo,” dagdag pa ni PNoy.

Sa kabuuan ng kanyang pahayag sinabi ni PNoy na kailangan munang lumabas ang resulta ng imbestigasyon ng binuong Board of Inquiry bago makapagdesisyon ng mga susunod na hakbang ang kanyang administrasyon.-DCR

 

Advertisements