Gobyerno hindi dapat basta na lamang pumasok sa teritoryo ng MILF- Duterte

duterte1

Davao City Mayor Rodrigo Duterte Image from: Stik Photos

 

Kinundena ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pagkakapatay sa 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force matapos ang madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Sa kabila nito ay sinabi ng alkalde na hindi dapat basta na lamang pinasok ng pulisya ang teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng walang koordinasyon.

Sinabi pa ni Duterte na dapat may managot sa naganap na misencounter sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng MILF.

Aniya, isang paglabag sa umiiral na kasunduan ang ginawa ng gobyerno na pagpasok sa teritoryo ng MILF.

Noong Linggo ay pinasok ng hindi bababa sa 300 na mga miyembro ng SAF ang isang lugar sa Mamasapano para dakpin ang teroristang siĀ Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Sa kabila nito ay nakasagupa ng pulisya ang pinagsanib na pwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at mga tauhan ng MILF na na nagresulta sa pagkasawi ng napakaraming bilang ng pulis at pagkasugat ng 12 iba pa.

Sa pahayag naman ni Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ay bumuo na sila ng Board of Inquiry na siyang mag-iimbestiga sa tunay na nangyari sa Mamasapano.

Naninindigan naman ang MILF na isang misencounter ang naganap at nananatili pa rin umano ang kanilang pagnanais na makamtan at isulong ang inaayos na usapang pangkapayapaan sa pagitan nila at ng gobyerno.-DCR

 

Advertisements