JI terrorist Marwan na target ng operasyon sa Mamasapano buhay pa- MNLF

marwan

JI terrorist ZULKIFLI ABDHIR alias ‘ Marwan’

 

Buhay pa ang kilabot na teroristang si Zulkipli bin Hir alyas Marwan.

 

Ito ang sinabi ni Moro National Liberation Front (MNLF) spokesman Emmanuel Fontanilla matapos ang madugong bakbakan na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.

Si Marwan at ang kasama nitong bomb maker na si Basit Usman ang target ng operasyon ng SAF sa pagtungo nila sa naturang lugar noong Linggo ng medaling araw.

Si Marwan ay miyembro ng grupong Jemaah Islamiyah matagal ng wanted dito sa Pilipinas at maging sa iba’ t ibang bansa sa buong mundo gaya ng Amerika dahil sa mga pambobomba nito.

Aabot sa $5 milyon ang reward money na inilaan para sa ikadarakip ni Marwan habang $1 milyon para kay Usman.

Sinabi ni Fontanilla sa panayam nito ngayong araw sa dzMM na wala sa Maguindanao si Marwan tulad ng lumabas sa intelligence report ng SAF at sa halip ay nagtatago ito sa Lanao Del Sur.

Ayon pa sa tagapagsalita ng MNLF, naiwasan sana ang pagkamatay ng maraming pulis kung nagtanong sa kanila ang gobyerno.

Una ng napaulat na napatay si Marwan sa naganap na operasyon ng SAF sa Mamasapano habang nakatakas naman umano si Usman.

Bago ito ay dati na ring naiulat na napatay si Marwan noong 2012.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang beripikasyon sa ulat ng na napatay nga ng PNP sa operasyon ang nasabing terorista.

Nitong Linggo ay naglunsad ng isang operasyon ang mahigit 300 tauhan ng SAF sa Mamasapano para dakpin sina Marwan at Usman subalit naging madugo ito matapos makaengkwentro ng mga pulis ang napakaraming miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Bukod sa napakaraming bilang ng patay ay aabot sa 12 pulis ang sugatan sa insidente.-DCR

 

Advertisements