Purisima may go signal mula kay PNoy para sa operasyon sa Mamasapano na ikinamatay ng higit 40 PNP-SAF

PNoy

Suspended PNP Chief Alan Purisima and President Benigno Aquino III Image from PNoy Facebook

 

 

Planado nang suspendidong si PNP Chief Alan Purisima at may basbas ni Pangulong Benigno Aquino III ang naganap na operasyon ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng humigit kumulang 44 na miyembro ng SAF at ikinasugat ng 12 iba pang pulis.

Batay sa istoryang pinaputok ng Manila Standard Today ngayong araw, isang hindi pinangalanang heneral na kasama sa pagplano at sa mismong operasyon ang nagbulgar ng mga pangyayari.

Ayon sa heneral, alam ng Pangulo ang pinaplanong covert operation upang madakip ang terroristang si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at ang bomb maker na si Basit Usman.

Sinabi ng source, na ang naturang operasyon din ang dahilan kung bakit nagtungo sa Zamboanga City ang Pangulo.

Layon sana ng pagpunta ni PNoy doon na maiharap sa midya si Marwan sakaling magtagumpay ang operasyon.

Ang Pangulo rin umano ang nag-utos kay Executive Secretary Paquito Ochoa na ibigay kay Purisima ang lahat ng kakailanganin nito para maisagawa ang naturang operasyon.

Sinabi pa ng heneral na kahit si DILG Sec. Mar Roxas ay walang alam sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ni Purisima. Ayon sa source, ang 44 na napatay na SAF kasama ang 12 sugatan at isang nakaligtas ay pawang mga pinagkakatiwalaang tauhan ng suspendidong PNP Chief.

Lumalabas na handa ang mahigit 300 SAF member sa anumang sagupaang magaganap sa pagitan nila at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) subalit hindi nila inaasahan na makakalaban nila maging ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) kung saan may umiiral na ceasefire sa pagitan nito at ng gobyerno.

Ayon pa sa heneral, tanging pakay ng operasyon ay ang dakpin sina Marwan at Usman. Wala rin umanong ibang paraan para makipag-ugnayan sa MILF hinggil sa operasyon lalo na at ang kanilang target ay nasa teritoryo ng mga ito.

Nabatid na ng magsimula ng putukan ay humingi na ng ayuda sa Philippine Army ang SAF subalit hindi sila mabigyan ng reinforcement ng militar dahil tali ang kamay ng mga ito sa umiiral na ceasefire sa MILF.

Nakaabot pa umano ng Malacañang ang kanilang pakiusap para mabigyan sila ng ayuda. Nabatid na halos maubos na ang mga miyembro ng SAF ng makarating sa mga nakakataas ang hinihinging backup ng operating forces.

Kahapon ay inihayag na ni Roxas at ni PNP OIC Dir. Leonardo Espina ang pagbuo ng Board of Inquiry na siyang mag-iimbestiga hinggil sa pangyayari.

Patuloy naman ang paninindigan ng MILF na isang misencounter ang naganap dahil sa kawalang koordinasyon sa kanila hinggil sa operasyon.

Ayon pa sa heneral, hindi isang misencounter ang naganap tulad ng sinasabi ni Roxas at sa halip ay isang matinding bakbakan dahil sa tama ng bala na tinamo ng mga biktima.

Mamayang gabi ay nakatakda namang magsagawa ng live telecast message ang Pangulo hinggil sa naganap na masaker sa mga miyembro ng SAF sa bayan ng Mamasapano.-DCR

Advertisements