Daliri ni Marwan pinutol ng PNP-SAF para sa DNA testing

2

The photo that SAF men took after they killed Marwan in an operation in Maguindanao last Sunday. Image courtesy of Inquirer

 

 

Pinutol ang isa sa mga daliri ng teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan ng mga sumugod na miyembro PNP-Special Action Force noong Linggo ng madaling araw matapos itong mapatay.

Ito ang naging desisyon ni Supt. Raymond Train na siyang namuno para isakatuparan ang “Oplan Wolverine” na naglalayong dakpin ang nasabing terorista.

Ginawa ni Train ang pagputol sa daliri upang magkaroon ng sample na maipadadala para sa DNA testing na siyang kukumpirma kung si Marwan nga ba talaga ang napatay nila bago ang madugong bakbakan sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Sa ulat na inilabas ng Philippine Daily Inquirer ngayong araw, sinabi ng kanilang source  Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na daliri mula sa kanang kamay ni Marwan ang pinutol ni Train para magamit na sample para sa DNA testing.

Bukod sa daliri ay kinuhanan din umano ng litrato ang bangkay ni Marwan bago ito iniwan ng mga sundalo.

Una ng sinabi ng sinibak na SAF commander na si Gen. Getulio Napeñas na bandang 4:20 ng medaling araw noong Linggo ng mapasok ng raiding team nila ang kubo kung saan natutulog si Marwan.

Nagawa pa umanong makalaban nito subalit napatay din ng pulisya.

Ang orihinal na plano ng assault team ay dalhin ang katawan ni Marwan subalit nagbago ito ng magkasunod-sunod na ang putok at makalaban na nila ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).

Si Marwan ay may patong sa ulo na $6 milyon para sa ikahuhuli nito.

Nabatid din na tumagal lamang ng 15 minuto ang operasyon ng grupo ni Train upang mapatay si Marwan.

Sa ulat umano na isinumite sa PAOCC ay nabatid na inilibing ang katawan ng terorista sa bayan ng Pidsandawan.

Umabot sa 44 na miyembro ng SAF ang napatay sa naturang operasyon matapos makisali sa bakbakan ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Depensa ng MILF, isang misencounter ang naganap dahil hindi nagkaroon ng koordinasyon sa kanilang ang PNP hinggil sa gagawin nitong raid sa kanilang lugar.-DCR

Advertisements