Imbestigasyon unahin: Pagtalakay ng Kongreso sa Bangsamoro Law itigil muna- Duterte

Duterte

Davao City Mayor Rodrigo Duterte Image courtesy of Rody Duterte Facebook

 

 

Nais ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ihinto muna ang pagtalakay para sa pagpasa ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso.

Ito ay sa harap na rin ng pagluluksa ng lahat matapos ang madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force.

Sa ulat na lumabas sa Rappler, sinabi ni Duterte na nais niyang pansamantalang mahinto ang mga pag-uusap tungkol sa BBL upang mabigyang daan ang imbestigasyon hinggil sa madugong engkwentro.

Lumalabas sa mga paunang ulat na nagtungo sa Mamasapano ang mahigit 300 miyembro ng SAF noong Linggo ng medaling araw upang madakip ang kilabot na teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Matapos mapatay si Marwan sa operasyon at habang papaalis na sa lugar ay nakasagupa ng pulisya ang pwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa kasalukuyan ay may umiiral na ceasefire sa pagitan ng gobyerno at MILF kung kaya marami ang nagulat ng mapasama ang mga ito sa labanan.

Sa pahayag naman ng MILF, sinabi nila na isang misencounter ang labanan dahil pumasok umano ng walang koordinasyon sa kanilang ang mga operatiba ng SAF.

Bagay na sinang-ayunan ni Duterte. Ayon sa alkalde, ang pagkukulang ng gobyerno sa operasyon ay ang kawalan nito ng koordinasyon.

Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mas kabisado ang lugar ay sinasabing hindi sila nasabihan ng PNP tungkol sa gagawing operasyon laban kay Marwan.

Sa kabila nito, ikinagalit ni Duterte ang paraan ng pagkakapatay sa 44 na SAF. Aniya, hindi dapat brutal na pinatay ang mga ito kung saan patay na ay patuloy pa ring pinapuputukan na nagresulta sa pagkasira ng iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga ito.

Kasabay nito ay sinabi rin ng alkalde na kailangan ang pagbuo ng isang independent body na siyang mag-iimbestiga sa nangyari. Ang naturang investigative body umano ay nararapat na binubuo ng mga Kristyano at Muslim at maging mga kinatawan mula sa Malaysia at Indonesia na kasama ng Pilipinas sa peace talks.

Bago ito ay iniutos na ni Pangulong Benigno Aquino ang pagbuo ng isang Board of Inquiry na binubuo ng matataas na opisyal ng PNP upang magsiyasat sa tunay na nangyari sa operasyon laban sa teroristang si Marwan.-DCR

 

 

Advertisements