Purisima nagbitiw na sa pwesto

purisima

PNP Chief Alan Purisima Image from: Facebook

Tinanggap na ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagbibitiw sa pwesto ng nasuspindeng si PNP Chief Alan Purisima.

Ang sinasabing pagbibitiw ni Purisima ay naganap umano matapos ang kaliwa’t kanang batikos dahil sa naging operasyon ng PNP-Special Action Force na ikinamatay ng 44 na tauhan nito sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Base sa balitang unang lumabas sa ABSCBN News.com, isa umanong miyembro ng gabinete ni PNoy ang nagpabatid sa kanila na tinanggap na ng Pangulo ang pagbaba sa pwesto ni Purisima.

Lumitaw ang balita ng pagbibitiw ni Purisima halos 10 araw matapos ang madugong insidente sa Maguindanao.

Sa isang text message naman sa GMA News Online, isang Atty. Kristoffer James Purisima na abogado umano ng chief PNP ang nagsabi na hindi nagbitiw ang opisyal sa kanyang pwesto.

Hanggang sa isinusulat naman ang balitang ito ay tikom pa rin ang bibig ng Palasyo partikular na si Presidential Communication and Operations Office Sec. Sonny Coloma para kumpirmahin kung nagbitiw na nga ba ang pinuno ng pambasang pulisya.

Bago nito ay kaliwa’t kanan na ang mga panawagan na bumaba sa pwesto si Purisima.

Marami ang nagalit sa suspendidong chief PNP dahil lumalabas sa ilang paunang impormasyon na ito ang nag-utos ng operasyon sa Mamasapano na ikinasawi ng napakaraming bilang ng pulis.

Bago ang sinasabing pagbibitiw nito sa pwesto ay suspendido ng anim na buwan si Purisima dahil sa kasong isinampa laban dito sa Ombudsman tungkol sa kwestyunableng kontrata na pinasok ng PNP sa isang courier service para sa lisensya ng mga baril.-DCR

Advertisements