Roxas itinangging ipinasisibak sa Pangulo sina Purisima at Ochoa

 

roxas

DILG Sec. Mar Roxas with top PNP officials Image from: DILG Facebook

 

 

Pinabulaanan ni Interior Secretary Mar Roxas ang lumabas na ulat kahapon na hiniling niya kay Pangulong Benigno Aquino III na sibakin na sa pwesto si PNP Chief Alan Purisima at Executive Secretary Paquito Ochoa matapos ang madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF).

Kasunod nito ay nanawagan si Roxas sa pahayagang Manila Standard Today (MST) na tiyakin ang pinagmumulan ng kanilang mga istorya.

“I appeal to the Manila Standard to get your facts straight and not rely on the imagination of your sources or spin doctors,” pahayag pa ng kalihim. 

Una nito ay inilabas ng MST ang kanilang istorya tungkol sa umano’y naging mainitang pagtatalo sa pagitan nina PNoy at Roxas.

Base sa kanilang ulat, dumating ang kalihim sa Malacañang noong Martes (Pebrero 3) bandang 1:00 ng hapon habang nasa kalagitnaan ng kanilang pagpupulong si PNoy at Finance Secretary Cesar Purisima.

Nabatid na pumayag ang Pangulo na sumama si Roxas sa pulong. 

Dito na umano sinabi ng kalihim na nais niyang masibak ang hepe ng PNP at si Ochoa. 

Hindi umano pumayag sa nais ni Roxas ang Pangulo kung saan nagkaroon pa ng kaunting pagtatalo sa pagitan ng dalawa base sa ulat ng MST.

Sa kabila nito, nanindigan si Roxas na walang naganap na ganitong komprotasyon sa pagitan niya at ng Pangulo.

“Hindi nangyari ang sinasabing pang-iistorbo ko sa pag-uusap nina Pangulong Aquino at Finance Secretary Cesar Purisima sa Palasyo para hingin ang pagbibitiw nina Executive Secretary Ochoa at PNP Director General Purisima…pawang kasinungalingan iyan at nagpapakita ng kawalan ng propesyunalismo,” pahayag pa ni Roxas base sa kanyang statement. 

Kahapon ay naglabas rin ng opisyal na pahayag si Presidential Spokesman Edwin Lacierda tungkol sa istoryang inilabas ng MST. 

Ayon kay Lacierda, hindi totoo ang inilabas na istorya ng MST kasabay ng pagsasabing hindi rin natuloy ang nakatakda sanang pulong sa pagitan ng Pangulo at ng kalihim ng DoF.

“This article is premised on something that never took place. During a time of mourning for our country, we call upon all sectors to practice prudence and refrain from adding to the grief of our countrymen,” pahayag pa ni Ochoa.-DCR

Advertisements