OPLAN EXODUS: Higit-kumulang 250 MILF at BIFF napatay sa Mamasapano encounter

Napeñas

Sacked PNP-SAF commander Getulio Napeñaes

 

Aabot sa humigit kumulang 250 katao mula sa pinagsanib na pwersa ng  Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at iba pang armadong grupo ang napatay ng mga miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) sa madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao.

Ito ang pagbubunyag na ginawa ng nasibak na hepe ng SAF na si P/Dir. Getulio Napeñas sa kanyang pagdalo sa kauna-unahang pagdinig ng Senado kaugnay sa Mamasapano encounter ngayong araw.

Sa simula ng pagdinig ay inilahad ni Napeñas sa pamamagitan ng inihanda nitong pahayag ang mga naganap sa operasyon sa Mamasano na tinawag umano nilang Oplan Exodus.

Aniya, inilahad umano sa kanya ni P/Supt. Raymond Train ang overall commander ng assault force na tumugis at nakapatay sa teroristang si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan ang mga pangyayari.

Hindi umano bababa sa 25-30 mga armadong kalaban ang napatay ni Train sa kalagitnaan ng bakbakan noong Enero 25, 2015 matapos ang pagkakapatay sa naturang terorista.

Dagdag pa umano ni Train, masasabing umaabot sa 150 mga miyembro ng MILF at BIFF ang napatay ng PNP-SAF 84th Company sa naturang labanan.

Sa hiwalay naman na pahayag mula sa lone survivor na si PO2 Christopher Lalan  mula sa SAF-55th Company ay sinabi umano nito na hindi bababa sa 100 pinagsanib na miyembro ng MILF, BIFF at iba pang armadong grupo na umatake sa kanila ang napatay ng kanyang kumpanya sa kasagsagan ng bakbakan.

Sinabi pa ni Napeñas na sa bilang na 250 ay hindi pa kasama ang mga napatay ng kanilang mga tropa mula sa 45th, 42nd, 41st at 43rd Company. Bukod pa umano ito sa mga posibleng napatay ng mga sundalo mula naman sa Mechanized Brigade ng Philippine Army na may dalang anim na armored personnel carrier (APC) bukod pa sa APC na dala ng kanilang grupo.

Ang pahayag na ito ni Napeñas ay kontra naman sa sinasabi ng MILF na nalagasan lamang sila ng 18 katao.

Hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa nagbibigay ng pahayag ang MILF hinggil sa sinabi ng dating SAF chief.

Sinabi rin ni Napeñas na mayroong sapat na kagamitan at paghahanda ang mga kagawad ng SAF na siyang naglunsad ng operasyon laban sa teroristang si Marwan.

“They know what they are doing and know what to do in times of adversity and hostility. Had it been otherwise, the combined forces of the MILF, BIFF, and other private armed groups would have not suffered at least 250 casualties in the midst of the firefight that took place almost the entire day,”  pahayag pa ng opisyal.

Sinabi pa ng opisyal na kung naibigay lamang sa kanyang mga tauhan ang artillery support na hinihingi nila mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay hindi sana aabot sa 44 miyembro ng kanilang hanay ang nalagas.

Sa kabila nito inamin naman ni Napeñas na hindi sila nagsagawa ng koordinasyon sa AFP bago ang kanilang operasyon.

Inamin din ng opisyal sa pagdinig na desisyon niya ang hindi pagsasabi ng operasyon kina PNP OIC P/Dir. Leonardo Espina at Interior Secretary Mar Roxas bago ang pagsasagawa nito.-DCR

 

Advertisements