PNoy at mga pulitiko magdala na raw ng baril: BIFF naghamon ng giyera

BIFF

The Bangsamoro Islamic Freedom Fighters headed by Commander Umbra Kato Image from: eagle-eye-risk-advisor.blogspot.com

 

Hinamon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang mga pulitiko at maging si Pangulong Benigno Aquino na pumunta sa Mindanao at lumaban sa isang giyera.

Ginawa ng BIFF ang pahayag kasunod ng mga pagdinig na ginagawa ng Senado at Kamara hinggil sa naganap na Mamasapano encounter.

Noong Enero 25 ay nilusob ng mahigit 300 miyembro ng PNP-Special Action Force ang pinagtataguan ng teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan kung saan napatay nila ito. 

Sa kabila nito ay 44 miyembro ng SAF ang napatay sa insidente bukod pa sa mga nasugatan nitong tauhan matapos makaengkwentro ang mga pwersa ng BIFF, Moro Islamic Freedom Fighter (MILF) at iba pang armadong grupo sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Sa pagdinig sa Senado ay una ng tinawag na terorista partikular ni Sen. Alan Peter Cayetano ang MILF at BIFF dahil sa brutal at hindi makataong pamamaslang umano nito sa mga pulis na nagsilbi ng warrant of arrest kay Marwan.

Sa kabila nito sinabi naman ni BIFF spokesman Abu Misri Mama sa panayam nito sa pahayagang Philippine Daily Inquirer na hindi sila terorista at bagkus ay nakikipaglaban lamang para sa kanilang mga karapatan.

Tugon pa ni Mama, ang mga tropa ng SAF at ang gobyerno ng Estados Unidos ang tunay na terorista dahil sa paglusob ng mga ito sa kanilang lupain.

“We are not terrorists. We are fighting a legitimate cause. The soldiers, SAF (Special Action Force) and the US government are the terrorists because they intrude into our land and want to take it away from us,” pahayag pa nito. 

Hamon pa ni Mama sa mga opisyal ng gobyerno, mag-armas na rin ang mga ito at magtungo sa Mindanao upang labanan sila.

“If they really want war,  Aquino and these politicians should bring guns and march to Maguindanao.”

“If they will come here, we will give them what they want. We will show them a real war that is far different from what they see in the movies,” pahayag pa ni Mama.

Sa isang hiwalay naman na panayam ng kay Mama ay inamin nito na hawak nila ang ilang kagamitan ng mga napatay na miyembro ng SAF.

Taliwas sa una ng sinabi ng MILF para sa panig ng BIFF sinabi ni Mama na wala silang balak ibalik ang mga baril at iba pang kagamitan na kanilang kinuha sa mga napaslang na pulis.

Kahapon sa pagdinig sa Senado ay dumalo sa unang pagkakataon si MILF peace panel negotiator Mohagher Iqbal.

Sa kanyang pahayag sinabi ni Iqbal na hiwalay na grupo sila sa BIFF.

Bagama’t inamin ni Iqbal na sangkot ang ilan nilang tauhan sa engkwentro sa Mamasapano ay sinabi nito na isang misencounter ang naganap at muling iginiit na patuloy ang pagnanais ng MILF na isulong ang usapang pangkapayapaan para sa Mindanao.-DCR

 

 

Advertisements