Hamon ng BIFF sa gobyerno: Rematch muna bago isauli ang baril

BIFF

The Bangsamoro Islamic Freedom Fighter with its spokesman Abu Misry Mama (in long sleeves polo) Image from: www.newsflash.org

 

Rematch! 
Ito ang sinabi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) matapos ang panawagan ng gobyerno partikular na ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagsasauli ng mga nawawalang armas ng mga pinaslang ma miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Sinabi ni BIFF Spokesman Abu Misry Mama na hindi nila tutularan ang ginawa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na pagsasauli ng mga nakuhang baril mula sa SAF.

Sa patuloy na panayam sa iba’t ibang media outfit patuloy ang giit ni Mama na gusto nila ng rematch o muling pakikipaglaban kontra sa mga tropa ng gobyerno.

Sa panayam nito sa DZMM sinabi ni Mama na hindi nila ibibgay ang mga baril hangga’t walang rematch.

“Yung nakuhang 10 armas, mahirap nang isauli ang armas dahil hindi namin hiniram sa kanila. Kunwari sa boxing, knockdown yung kalaban kaya yung mga baril na nakuha namin hindi namin ibibigay hangga’t may rematch,” pahayag pa nito. 

Sa panayam naman ng Radyo Inquirer ay sinabi ni Mama na ibabaril nila at gagamitin nila laban sa tropa ng gobyerno ang mga nakolektang baril mula sa mga napatay na miyembro ng SAF.

Matapos ang ginawang pagbabalik ng armas ng MILF ay sinabi ng PNP na simula pa lamang ito at nais nilang makuha hindi lamang ang mga baril kundi maging ang mga personal ng gamit ng 44 SAF commando na napatay.

Sa panayam naman ngayong araw ng DZBB sinabi ni PNP Spokesperson C/Supt. Generoso Cerbo na hindi na nila gustong patulan pa ang BIFF sa mga pahayag nito.

Sa kabila nito sinabi rin ng opisyal na patuloy ang kanilang kampanya at mga pagkilos laban sa mga lawless elements tulad ng BIFF.-DCR

 

Advertisements