Mayor Duterte cover photo ng Esquire Philippines March issue

Esquire

Davao City Mayor Rodrigo Duterte is Esquire Philippines March 2015 cover Image courtesy of Esquire Philippines Facebook

 

Napili ng Esquire Philippines  si Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang cover nito sa kanilang March 2015 issue. 

Ayon sa Esquire Philippines, laman ng kanilang March issue ang artikulong ‘How to be a Man’. 

Kinapanayam ng magazine ang kontrobersyal na alkalde hinggil sa mga isyu ng death penalty, diborsyo, at ang sinasabing plano nito na pagtakbo sa darating na 2016 National Election.

Bago ang paglabas ni Duterte bilang cover ng Esquire Philippines ay kaliwa’t kanan na ang mga balita tungkol sa sinasabing kandidatura nito para sa mas mataas na posisyon sa darating na halalan.

Noong nakaraang Pebrero 21 ay muling bumalik at sumali sa kanyang dating partido na Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) si Duterte.

Usap-usapan umano ang pagkumbinsi sa kanya ng mga miyembro ng partido upang maging standard bearer nila sa 2016.

Sa panayam ng Rappler kay Duterte sa anibersaryo ng PDP-Laban sinabi nitong hindi naman niya mapipigilan ang mga miyembro ng partido sa Visayas at Mindanao sa paghiling na siya ay tumakbong pangulo.

Sa kabila nito pabirong sinabi ng alkalde na bigyan muna siya ng first lady bago patakbuhing pangulo.

Gusto nga nila akong tumakbo na presidente. Wala nga akong First Lady. Bigyan mo muna ako ng First Lady,” pabiro pang sabi nito. 

Sa artikulo namang inilabas ng Philippine Daily Inquirer ay sinabi umano ni Duterte na hindi ito tatakbo bilang pangulo ngunit kinokonsidera naman nito ang pagkandidato bilang senador. 

Bukod naman sa planong pagtakbo sa 2016 ay isinusulong ni Duterte ang pagtungo ng sistema ng gobyerno sa Federalismo.

Ayon sa alkalde, ang ganitong uri ng gobyerno ang tutugon sa mga problema ng bansa lalo na sa mga lalawigan. 

Sa pinakahuling artikulo naman mula sa Philippine News Agency sinabi ng alkalde na hindi pa rin buo ang kanyang isip sa pagtakbo bilang pangulo sa susunod na taon.

“Ayaw ko . It does not appeal to me until now,” pahayag pa nito.-DCR

 

 

 

 

Advertisements