Jolo Revilla nabaril ang sarili

jolo-picutre-1

Cavite vice governor Jolo Revilla

 

Nabaril ng aktor at Cavite Vice Governor Jolo Revilla ang kanyang sarili kahapon.

Nananatili ngayon sa Intensive Care Unit (ICU) ng Asian Hospital si Revilla makaraang aksidente umano nitong mabaril ang sarili habang nililinis ang kanyang baril kahapon ng umaga sa kanilang bahay sa Alabang, Muntinlupa City.

Sa panayam ng DZMM ngayong umaga sa tagapagsalita ng pamilya Revilla na si Atty. Raymond Fortun, nakausap na nito ang bise gobernador at sa kanyang pagtaya ay stable subalit nananatiling nasa seryosong kondisyon ito.

Ani Fortun, pumasok ang bala sa kanang dibdib ni Revilla saka lumabas sa likod nito.

Sa salaysay umano ni Revilla sa kanya, nasa bahay ito ng kanyang ama kahapon ng umaga at hinihintay ang ina na si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla.

Habang naghihintay ay naisip umano ng batang Revilla na linisin ang .40 Glock pistol nito kung saan aksidenteng nakalabit nito ang gatilyo dahilan para tumama ang bala sa kanyang dibdib.

Ayon pa kay Fortun, mismong ang ina ng aktor ang nagsugod dito sa pagamutan. Sumailalim na rin umano ito sa minor injury para linisin ang bahagi ng katawan nitong dinaanan ng bala.

Sa hiwalay na ulat naman kahapon ng GMA News Online, sinabi umano ng manager ng aktor na si Lolit Solis na nagbaril ang bise gobernador sa kanyang sarili dahil sa depresyon.

Ayon umano kay Solis, nakaapekto kay Jolo ang pagkakakulong ng ama na si Sen. Bong Revilla.

Ang impormasyong ito ay pinabubulaanan naman ng pamilya Revilla at sinasabing aksidente lamang ang pagkakabaril ng batang Revilla sa kanyang sarili.-DCR

Advertisements