Kampo at gawaan ng bomba ng BIFF nakubkob ng militar

AFP

Image courtesy of AFP

 

Nakubkob na ng militar ang isang kampo at gawaan ng bomba ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa Brgy. Dasikil, Mamasapano Maguindanao. 

Tagumpay na napasok ng pwersa ng mga sundalo ang lugar noong Linggo kasabay ng all-out offensive na ipinatutupad ngayon ng gobyerno laban sa nasabing armadong grupo.

Nadiskubre sa kampo ng BIFF ang iba’t ibang gamit ng mga ito sa paggawa ng mga bomba partikular ng improvised explosive device (IED) na ginagamit nila sa pagpapasabog sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.

Nabatid na ang naturang kampo ay inabandona ng grupong pinamumunuan ni Mohammad Ali Tambako.

Ayon sa militar, tumakas si Tambako at ang mga kasama nito ng malamang papalapit na sa kanilang kuta ang mga sundalo matapos ang pagpapaulan doon ng artillery fire noong Sabado.

Sinabi naman ni 6th Infantry Division Spokesperson Capt. Jo Ann Petinglay na ang operasyon ay bunga ng pinagsanib na pwersa ng Army at Marines.

Pinaniniwalaan din na sa naturang kampo itinago ng mga miyembro ng BIFF ang mga armas na kinuha nito mula sa mga napatay na miyembro ng PNP-Special Action Force noong Enero 25.

Nangako naman ang militar na ipagpapatuloy nila ang opensiba laban sa BIFF.-DCR

Advertisements